Sunday, June 23, 2019

Ang Munting Prinsipe (Tagalog)

Ang Munting Prinsipe
Antoine de Saint Exupéry
Kay LEON WERTH

 Hinihingi ko ang paumanhin ng mga bata sa pag-aalay ng librong ito sa isang matanda. May mabigat akong dahilan: ang matandang ito ang pinakamatalik kong kaibigan sa mundo. May isa pa akong dahilan: naiintindihan ng matandang ito ang lahat, kahit na mga librong pambata. May ikatlo pa akong dahilan: nakatira ang matandang ito sa Pransya at doo’y nagugutom siya at giniginaw. Lubhang kailangan niya ng magpapagaan ng kanyang loob. Kung hindi sapat ang lahat ng dahilang ito, ihahandog ko kung gayon ang librong ito sa batang noong araw ay ang matandang ito ngayon. Dati rin namang mga bata ang lahat ng matatanda. (Pero iilan sa kanila ang nakakaalaala nito.) Kaya iwinawasto ko ang aking paghahandog:
Kay LEON WERTH,
NOONG BATA PA SIYA.


I1

Minsan nang anim na taon pa ako, may nakita akong napakagandang larawan sa isang librong tungkol sa kauna-unahang gubat. "Mga Tunay na Pangyayari" ang pamagat ng librong ito, at nakalarawan naman dito ang isang sawa na lumululon ng isang hayop. Narito ang kopya ng drowing.
Boa
Ang sabi sa libro'y "Nilululon nang buo ng mga sawa ang kanilang biktima, nang hindi nginunguya. Pagkatapos ay hindi sila makakilos at anim na buwan silang natutulog hanggang matunaw ang kanilang kinain."
Kaya lubha kong pinag-isipan ang tungkol sa mga pakikipagsapalaran sa kagubatan at saka ko naman naiguhit sa lapis na may kulay ang una kong drowing. Ang una kong drowing. Katulad iyon nito:
Hat
Ipinakita ko ang aking obra-maestra sa matatanda at tinanong ko kung natatakot sila sa drowing ko.
Sumagot sila: "Ba't naman matatakot ang sinuman sa isang sombrero?"
Hindi sombrero ang aking drowing. Isang sawang may tinutunaw na elepante ang nakalarawan doon. Kayat iginuhit ko ang nasa loob ng sawa para maintindihan ng matatanda. Kailangan nilang lagi ng mga paliwanag. Ganito naman ang pangalawa kong drowing:
Elephant inside the boa
Pinayuhan ako ng matatanda na isaisantabi ang mga drowing ng mga sawa, kita man ang loob o hindi, at sa halip ay sa heograpiya, kasaysayan, matematika at balarila ilaan ang sarili. Kaya sa edad na anim na taon, iniwan ko ang napakagandang karera ng pagiging pintor. Humina ang loob ko dahil sa pagkabigo ng una at pangalawa kong drowing. Hinding-hindi nakakaintindi sa ganang sarili nila ang matatanda. At nakakapagod para sa mga bata ang lagi na lamang magpaliwanag sa kanila.
Kaya ibang propesyon ang pinili ko, at natuto akong magpalipad ng mga eroplano. At nakalipad na nga ako sa halos lahat ng lugar sa daigdig. At totoo ngang napakalaking tulong para sa akin ang heograpiya. Sa unang tingin lamang e alam ko na kung iyon ang China o Arizona. Napakalaking tulong nito lalo na kung mawawala sa gabi.
Maraming importanteng tao ang aking nakasalamuha sa buong buhay ko. Napakarami ko nang naranasan sa piling ng matatanda. Nakilala ko sila nang malapitan. At hindi pa rin masyadong gumaganda ang palagay ko sa kanila.
Pag may nakilala ako sa kanila na parang mas matalino kaysa iba, sinusubukan kong ipakita sa kanya ang una kong drowing na lagi kong dala. Gusto kong malaman kung magaling nga siyang umintindi. Pero laging ganito ang sagot niya sa akin: "Sombrero 'yan." Kaya hindi na ako makikipag-usap sa kanya tungkol sa mga sawa, ni sa mga kauna-unahang gubat, o mga bituin. Ilalagay ko ang aking sarili sa lugar niya. At makikipag-usap ako sa kanya tungkol sa baraha, golf, pulitika at mga kurbata. Masisiyahan naman ang matandang ito at nakakilala siya ng isang taong madaling makaunawa.

II2

Kaya nabuhay akong mag-isa. Wala akong nakausap nang tunay hanggang naaksidente ako sa disyerto ng Sahara, anim na taon na ang nakalilipas. May kung anong nasira sa makina ng aking eroplano. At dahil wala akong kasamang mekaniko o pasahero, inihanda ko ang aking sarili na gawing mag-isa ang mahirap na pagkukumpuni. Buhay o kamatayan ito para sa akin. Halos sapat lamang sa walong araw ang tubig na inumin.
Sa unang gabi, sa buhangin ako nahiga at natulog, libu-libong kilometro ang layo sa anumang tirahan ng mga tao. Mas nag-iisa ako kaysa mandaragat na nasa isang balsa na ipinadpad sa gitna ng dagat. Kaya maiisip mo ang pagkagulat ko nang sa pagbubukang-liwayway e gisingin ako ng isang di-pangkaraniwang maliit na tinig. Sinabi nito:
"Sige na, o...! Idrowing mo ako ng isang tupa."
"Ano!"
"Idrowing mo ako ng isang tupa..."
The Little prince
Bigla akong bumangon na parang tinamaan ng kidlat. Kinusot ko ang aking mga mata. Tumingin akong mabuti. At isang napakaekstraordinaryong maliit na tao ang nakita ko na nakatitig sa akin. Narito ang pinakamagandang larawan niya na naidrowing ko pagkatapos. Pero malayo naman siyempre at di kasingganda ng totoo ang drowing ko. Ngunit hindi ko nang anim na taong gulang ako para sa aking karera bilang pintor. At wala akong natutuhang idrowing kundi mga sawang nakasara at nakabukas.
Nanlaki ang aking mga mata sa pagkabigla, tinitigan ko ang lumitaw na itong kaharap ko. Alalahanin mo na libu-libong kilometro ang layo ko sa anumang tirahan ng mga tao. Ngunit para namang di naliligaw ni hihimatayin sa pagod ang munti kong tao, ni mamamatay sa gutom o sa uhaw o sa takot. Hinding-hindi rin naman siya mukhang isang batang nawawala sa gitna ng disyerto na libu-libong kilometro ang layo sa anumang tirahan ng mga tao. Nang makapagsalita ako sa wakas, sinabi ko sa kanya:
"Pero... Ano ang ginagawa mo dito?"
At dahan-dahan niyang inulit sa 'kin na para bang napakahalaga:
"Sige na, o... idrowing mo ako ng isang tupa..."
Kapag napakabigat ang dating ng isang misteryo, walang makapangangahas na sumuway. Kaya kahit na malabo ito para sa akin na libu-libong kilometro ang layo sa tirahan ng mga tao at nasa bingit pa ng kamatayan, kinuha ko sa 'king bulsa ang isang pirasong papel at bolpen. Pero naalala ko na higit sa lahat e heograpiya, kasaysayan, matematika at balarila ang pinag-aralan ko. Kaya sinabi ko (na medyo inis pa) sa munting tao na hindi ako marunong magdrowing. Sumagot naman siya sa 'kin:
"Hindi bale. Idrowing mo lang basta ako ng isang tupa."
At dahil hindi pa ako nakapagdodrowing ng tupa, ginawa ko uli para sa kanya ang isa sa dadalawang drowing na kaya ko. Iyon ang sawa na di kita ang loob. Nagulat ako nang marinig ko ang sagot sa 'kin ng munting tao:
"Hindi, hindi, ayoko ng elepante sa loob ng sawa. Lubhang mapanganib ang sawa at napakalaki naman ang elepante. Napakaliit ng lugar ko. Isang tupa ang kailangan ko. Idrowing mo ako ng isang tupa."
Kaya nagdrowing ako.
Sick sheep
Tiningnan n'ya itong mabuti at saka niya sinabing
"Hindi! Grabe naman ang sakit n'yan. Idrowing mo ako ng iba."
A ram
At nagdrowing nga ako. Ngumiti ang aking kaibigan na magaan ang loob.
"Tingnan mo 'to... hindi 'to basta tupa, barakong tupa 'to. May mga sungay s'ya..."
Kaya nagdrowing na naman uli ako.
Pero ayaw din niya nito gaya ng mga nauna:
"Napakatanda naman n'yan. Isang tupang mabubuhay nang matagal ang gusto ko."
Old sheep
Ubos na ang pasensya ko noon. Nagmamadali ako na maumpisahang kalasin ang aking makina kaya mabilis kong iginuhit ang drowing na ito.
Sheep in the box
At pahabol kong sinabi:
"Ito ang kahon. Nasa loob ang tupang gusto mo."
Lubha akong nagtaka nang makita kong nagliwanag ang mukha ng aking batang hukom.
"Ganito talaga ang gusto ko. Sa palagay mo kaya e maraming damo ang kailangan ng tupang ito?"
"Bakit?"
"Kasi, napakaliit ng lugar ko..."
"Tama na siguro. Napakaliit na tupa naman ang ibinigay ko sa 'yo."
Tumungo siya para tingnan ang drowing:
"Hindi naman napakaliit na... Tingnan mo! Natutulog na siya..."
Ganito ko nakilala ang munting prinsipe.

III3

Matagal na panahon ang kinailangan ko para malaman kung saan siya galing. Napakarami niyang tanong sa 'kin pero para namang hinding-hindi iniintindi ng munting prinsipe ang mga tanong ko sa kanya. Mula sa ilang kataga na nagkakataong binabanggit niya kaya lamang unti-unting luminaw sa akin ang lahat. Halimbawa, nang una niyang makita ang aking eroplano (hindi ko na idodrowing ang aking eroplano dahil napakakumplikadong drowing na ito para sa 'kin), itinanong niya sa 'kin:
The Little prince
"Ano ang bagay na 'yan?"
"Hindi 'yan isang bagay. Lumilipad 'yan. Eroplano 'to. Ito ang eroplano ko."
Ipinagmamalaki ko na malaman niyang nakalilipad ako. Kaya sinabi niya:
"Ano! Nahulog ka mula sa langit?"
"Oo..." sumagot ako na medyo napahiya.
"Ah! Nakakatawa..."
Humalakhak nang malakas ang munting prinsipe na labis ko namang ikinainis. Gusto kong totohanin naman ng iba ang tingin nila sa mga kamalasan ko. At idinagdag pa niya:
"Kung gayon, galing ka rin sa langit! Saang planeta ka galing?"
Bigla kong naliwanagan ang hiwaga kung ba't siya narito. At tinanong ko siya nang deretso:
"Galing ka ba sa ibang planeta?"
Pero hindi siya sumagot. Marahan niyang iginalaw ang kanyang ulo habang nakatitig sa aking eroplano:
"Totoo nga na d'yan e hindi maaaring napakalayo ng pinanggalingan mo..."
At mukhang malalim ang iniisip niya. Matagal. Pagkatapos ay kinuha niya ang aking tupa sa kanyang bulsa at pinagmasdang mabuti ang kanyang kayamanan.
Maiisip n'yo kung paano ako naintriga sa pagsasalita niya nang bitin tungkol sa "ibang mga planeta." Kaya sinikap kong mas may malaman pa tungkol dito:
"Munti kong tao, saan ka ba galing? Saan ba ang 'lugar mo'? Saan mo gustong dalhin ang tupa ko?"
Pagkatapos ng tahimik na pagninilay ay saka siya sumagot:
"Ang mabuti sa kahong ibinigay mo sa 'kin e magagamit n'ya itong bahay sa gabi."
"S'yempre. At kung mabait ka, bibigyan pa rin kita ng tali para maitali mo siya pag araw. At pati na rin poste."
Mukhang nagulat ang munting prinsipe sa alok na ito.
"Itali siya? Kataka-takang ideya!"
"Pero kung hindi mo s'ya itatali, gagala s'ya kung saan at mawawala..."
Muli na namang humalakhak ang aking kaibigan:
"Pero saan sa palagay mo s'ya pupunta?"
"Kahit saan. Dere-deretso sa harap niya..."
At seryosong sinabi ng munting prinsipe:
"Hindi bale! Napakaliit lang naman ng lugar ko!"
At para namang malungkot n'yang idinugtong:
"Dere-deretso sa harap n'ya, walang malayong mararating..."
The Little prince and stars

IV4

Kaya nalaman ko ang ikalawang bagay na napakahalaga: halos kasinlaki lamang ng isang bahay ang planetang pinanggalingan niya!
Hindi ako gaanong nagulat dito. Alam na alam ko na bukod sa malalaking planeta gaya ng Lupa, Jupiter, Mars, Venus, na may mga pangalan na, may daan-daan pang iba na ang ilan ay napakaliliit kaya napakahirap makita sa teleskopyo. Kapag may madiskubreng isa sa mga ito ang isang astronomo, isang numero ang ipinapangalan niya rito. Halimbawa'y tatawagin niya itong "Asteroid 3251."
Star-gazer
May mabigat akong dahilan para paniwalaang ang Asteroid B 612 ang planetang pinanggalingan ng munting prinsipe. Minsan lamang nakita sa teleskopyo ang asteroid na ito noong 1909 ng isang Turkong astronomo.
Inilahad niya ang pagkakadiskubre niya rito sa isang Pandaigdig na Konggreso ng Astronomiya. Pero walang naniwala sa kanya dahil sa suot niyang damit. Ganyan ang matatanda.
Masuwerte para sa reputasyon ng Asteroid B612. Itinadhana ng isang Turkong diktador sa kanyang mga mamamayan na magdamit-Europeo, kung hindi'y mamamatay ang di susunod. Inulit ng astronomo ang kanyang pagpapatunay noon 1920, na nakadamit nang napakagara. At noo'y naniwala naman ang lahat sa kanya.
Turkish astronomer
Kung ikinuwento ko sa inyo ang mga detalyeng ito tungkol sa Asteroid B 612 at sinabi sa inyo ang numero nito, dahil ito sa matatanda. Mahilig sa mga bilang ang matatanda. Kapag may sinabi kayo sa kanila tungkol sa isang bagong kaibigan, hinding-hindi sila kailanman magtatanong tungkol sa mahahalagang bagay. Hindi nila kailanman sasabihin sa inyo: "kumusta naman ang boses niya? Anong mga laro ang gusto niya? Nangungulekta ba siya ng mga paruparo?" Ang tanong nila'y "Ilang taon na siya? Ilan ang kanyang mga kapatid? Ano ang timbang niya? Magkano ang kita ng kanyang ama?" At saka lamang nila ipapalagay na nakilala nila siya. Kung sasabihin mo sa matatanda, "May nakita akong magandang bahay na yari sa rosas na tisa, may mga rosal sa bintana at  mga kalapati sa bubong..." hindi nila magagawang isipin ang bahay na iyon. Kailangan mong sabihin sa kanila: "May nakita akong bahay na nagkakahalaga ng 5,000,000 piso." Kayat sasabihin nila: "O, napakaganda ng bahay na 'yon!"
Gayundin naman, kung sasabihin mo sa kanila: "Talagang nabuhay ang munting prinsipe dahil kaakit-akit siya, tumawa siya at gusto niyang magkaroon ng tupa. Kung merong maygusto ng tupa, patunay na 'yon na buhay siya," magkikibit-balikat lamang sila at ituturing kang bata. Pero kung sasabihin mo sa kanila: "Ang Asteroid B 612 ang planetang pinanggalingan niya," makukumbinsi sila at hindi na kayo gagambalain sa katatanong. Ganyan talaga sila. Hindi naman sila dapat masamain. Kailangang magkaroon ng lubos na pasensya sa matatanda ang mga bata.
Ngunit para sa 'tin s'yempre na nakauunawa sa buhay, balewala lang ang mga numero! Gusto ko sanang simulan ang kuwentong ito gaya ng isang alamat. Gusto ko sanang sabihin:
European astronomer
"Minsan, may isang munting prinsipe na nakatira sa isang planeta na malaki-laki lang nang kaunti sa kanya, at kailangan niya ng kaibigan..." Para sa mga nakauunawa sa buhay, mas parang totoo ito.
Ayokong basta na lamang basahin ng mga tao ang libro ko. Napakalungkot para sa 'kin ang isalaysay ang mga alaalang ito. Anim na taon na ang lumipas mula nang umalis ang aking kaibigan, dala ang kanyang tupa. Kung sinikap ko mang ilarawan siya rito, ito ay para di ko siya malimutan. Malungkot ang malimot ang isang kaibigan. Hindi lahat ay may kaibigan. At puwede pa rin akong maging gaya ng matatanda na sa mga bilang lamang interesado. Kaya naman bumili ako ng isang kahon ng pintura at mga lapis dahil na nga rito. Mahirap sa edad ko ang magsimulang magdrowing uli, lalo na't wala akong ibang naidrowing kundi ang loob at ang labas ng mga sawa, sa edad na anim na taon! Sisikapin ko s'yempre hangga't maaari na gawin ang mga drowing na mas nakakahawig. Pero hindi ko tiyak kung magagawa ko ito. Ayos ang isa, at napakalayo naman ang isa pa. Medyo namamali rin ako sa kanyang taas. Kung minsa'y sobra ang tangkad ng munting prinsipe. Kung minsan nama'y napakaliit niya. Nagdadalawang-isip din ako tungkol sa kulay ng kanyang damit. Kaya atubili ko itong ginawa kahit paano ayon sa aking kakayahan. Magkakamali rin s'yempre ako sa ilang mas mahahalagang detalye. Ngunit ipagpaumanhin n'yo sana ito sa akin. Walang anumang paliwanag na ibinigay sa akin ang kaibigan ko. Akala niya siguro e gaya niya ako. Pero sayang, hindi ko kayang makakita ng mga tupa na lagusan sa mga kahon. Medyo katulad siguro ako ng matatanda. Tumatanda na siguro ako.

V5

Araw-araw, may natututuhan ako tungkol sa planeta, tungkol sa pag-alis, tungkol sa paglalakbay. Dahan-dahan itong dumarating, at kung nagkakataon lamang, mula sa kanyang mga pag-iisip. Ganito ko nalaman sa ikatlong araw ang problema niya sa mga baobab.
Sa pagkakataong ito, ang tupa na naman uli ang naging daan, dahil bigla akong tinanong ng munting prinsipe na parang labis na nagdududa:
"Totoo, di ba, na kumakain ng maliliit na puno ang mga tupa?"
"Oo. Totoo 'yon."
"Ah! Mabuti naman."
Hindi ko naintindihan kung bakit mahalaga kung kumakain nga ng maliliit na puno ang mga tupa. Ngunit idinugtong ng munting prinsipe:
"Kung gayon, kumakain din sila ng mga baobab?"
Ipinaliwanag ko sa munting prinsipe na hindi maliliit na puno ang mga baobab kundi mga punong sinlaki ng mga simbahan. At kahit magdala pa siya ng isang kawan ng mga elepante, hindi pa rin mauubos ng kawang iyon ang isang baobab.
Elephans on the planet
Sa planeta nga ng munting prinsipe, tulad sa lahat ng iba pang planeta, may mabubuti at masasamang damo. Kaya may mabubuting binhi mula sa mabubuting halaman at masasamang binhi mula sa masasamang halaman. Pero hindi nakikita ang mga binhi. Natutulog sila sa kaibuturan ng lupa hanggang makaisip gumising ang isa sa kanila. Kaya palalakihin niya ang kanyang sarili, at itutulak paharap sa araw na sa simula'y medyo nag-aalangan pa, ang isang kaakit-akit na maliit na usbong na di naman nakaaano. Kung supling nga lang ito ng labanos o ng rosas, patutubuin ito ayon sa gusto nito. Pero kung masamang halaman ito, kailangan itong bunutin agad sa sandaling makilala ito. Ngayon, may napakasasamang binhi sa planeta ng munting prinsipe... ito ang mga binhi ng mga baobab. Naglipana ang mga ito sa lupa ng planeta. At kung hindi agad bubunutin ang isang baobab, hinding-hindi na ito maaalis kailanman. Masasakop nito ang buong planeta. Bubutasin iyon ng mga ugat nito. At kung napakaliit ng planeta at napakarami naman ng mga baobab, pasasabugin iyon ng mga ito.
Chare of the planet
"Disiplina ang kailangan," sinabi ng munting prinsipe sa akin, pagkatapos. "Matapos mong ayusin at linisin ang sarili sa umaga, kailangan mo namang ayusin at linising mabuti ang planeta. Kailangang laging bunutin ang mga baobab sa sandaling makita ang kaibahan ng mga ito sa mga rosas na kahawig na kahawig ng mga ito habang napakaliit pa. Nakasasawang trabaho pero napakadali."
Isang araw, ipinayo niya sa akin na sikapin kong gumawa ng magandang drowing para matatak itong mabuti sa isipan ng mga bata sa lugar ko. "Kung isang araw e magbibiyahe sila," ang sabi niya sa akin, "maaaring makatulong ito sa kanila. Pag minsa'y wala namang masama na ipagpaliban ang trabaho. Pero pag dating sa mga baobab, malaking kapahamakan lang ang ibig sabihin nito. May alam akong planeta na isang tamad ang nakatira. Pinabayaan niya ang tatlong maliliit na puno..."
Kaya ayon sa mga sinabi ng munting prinsipe, iginuhit ko ang planeta. Ayokong lumabas na para akong nangangaral. Pero hindi masyadong naiintindihan ang panganib na galing sa baobab at talagang napakabigat ang mga panganib na maaaring makaharap ng sinumang nawawala sa isang asteroid. Kaya sa pagkakataong ito, isinasaisantabi ko ang pagiging mahinahon. Sinasabi kong "Mga bata! Mag-ingat kayo sa mga baobab." Gusto ko kasing babalaan ang aking mga kaibigan tungkol sa panganib na matagal na nilang nakakaharap, tulad ko, nang hindi nalalaman. Kaya lubos kong pinagpaguran ang drowing na ito. Sulit namang talaga ang leksyong ibinibigay ko rito. Itatanong n'yo siguro: "Bakit walang ibang drowing na kasinlaki ng drowing ng mga baobab sa librong ito?" Simple lang ang sagot: sinikap ko pero hindi ko nagawa. Nang idrowing ko ang mga baobab, inspirado ako at malakas ang loob dahil hinihingi ito ng pagkakataon.
Baobabs

VI6

Ah! Munting prinsipe, naintindihan ko rin unti-unti ang malungkot na munti mong buhay. Matagal na panahon na ang masarap pakiramdamang paglubog ng araw ang siya mong libangan. Nalaman ko ang bagong detalyeng ito, umaga ng ika'pat na araw, nang sabihin mo sa akin:
"Gustung-gusto ko ang paglubog ng araw. Halika, tingnan natin ang paglubog ng araw."
"Pero kailangang maghintay..."
"Maghintay ng ano?"
"Maghintay na lumubog ang araw."
Sa umpisa'y mukhang gulat na gulat ka, at pagkatapos naman e tinawanan mo ang 'yong sarili. At sinabi mo sa 'kin:
"Akala ko nasa aking planeta pa rin ako!"
Oo nga. Alam ng lahat na pag tanghaling-tapat sa Estados Unidos, lumulubog naman ang araw sa Pransya. Kung makakapunta sa Pransya sa loob ng isang minuto, masasabayan mo ang paglubog ng araw. Sayang at napakalayo ng Pransya. Pero sa napakaliit mong planeta, kailangan mo lang ilipat nang ilang hakbang ang silya mo. At mapapanood mo na ang takipsilim tuwing gusto mo...
"Isang araw, apatnapu't tatlong beses kong nakita ang paglubog ng araw!"
At pagkatapos ng ilang sandali, idinagdag mo pa:
"Alam mo... gusto mo ang paglubog ng araw pag sobra ang lungkot mo..."
"Sobra ba ang lungkot mo sa araw ng apatnapu't tatlong beses na takipsilim?"
Pero hindi sumagot ang munting prinsipe.
Sunsets

VII7

Sa ikalimang araw, at salamat uli sa tupa, nalaman ko ang lihim na ito ng buhay ng munting prinsipe. Bigla niya akong tinanong. Wala siyang paunang salita, na parang bunga ng mahaba at tahimik na pag-iisip ang kanyang sinabi:
"Ang tupa, kung kumakain ito ng maliliit na puno, kumakain din ba ito ng mga bulaklak?"
"Kinakain ng tupa ang lahat ng makita nito."
"Kahit na mga bulaklak na may tinik?"
"Oo. Kahit na mga bulaklak na may tinik."
"Kung gayon, ano ang gamit ng mga tinik?"
Hindi ko alam. Abalang-abala ako noon sa pagsisikap na kalasin ang isang napakahigpit na turnilyo sa aking makina. Balisang-balisa pa ako dahil malinaw nang talagang grabe ang sira ng makina, at halos ubos na ang tubig kayat mas masama pa ang pinangambahan ko.
"Ano ang silbi ng mga tinik?"
Walang tigil sa pagtatanong ang munting prinsipe sa sandaling masabi niya ito. Naiinis ako dahil sa aking turnilyo, kaya basta na lamang ako sumagot:
"Walang anumang silbi ang mga tinik; pawang kasamaan lamang ito ng mga bulaklak."
"Oh!"
Pagkatapos ng sandaling katahimikan, bigla niyang sinabi sa akin na parang may sama ng loob:
"Hindi ako naniniwala sa 'yo! Mahina ang mga bulaklak. Wala silang gaanong alam. Pinalalakas nila ang kanilang loob sa abot ng kanilang makakaya. Akala nila'y kakila-kilabot na sila dahil sa kanilang mga tinik..."
Hindi ako sumagot. Sinasabi ko sa aking sarili nang mga sandaling 'yon:
"Kung hindi pa rin matatanggal ang turnilyong ito, pupukpukin ko na 'to ng martilyo." Muli na namang ginulo ng munting prinsipe ang pag-iisip ko:
"At ikaw, naniniwala ka na ang mga bulaklak..."
"Hindi! Hindi! Wala akong pinaniniwalaang anuman. Basta-basta lang ang isinagot ko sa 'yo. At ako, abala ako sa mga seryosong bagay."
Tinitigan niya ako at labis na nagulat.
"Mga seryosong bagay!"
Tiningnan niya ako, hawak ko ang aking martilyo at nangingitim sa grasa ang aking mga daliri, nakayuko sa isang bagay na sa tingin n'ya'y parang napakapangit.
"Nagsasalita ka gaya ng matatanda."
Medyo napahiya ako. Pero walang habag niyang ipinagpatuloy:
"Ginugulo mo ang lahat... pinaghahalo mo ang lahat!"
Talaga ngang inis na inis na siya. Pinagalaw niya sa hangin ang kanyang buhok na kulay-ginto.
"May alam akong planeta na isang mamang pula ang nakatira. Kailanma'y hindi pa siya nakaaamoy ng bulaklak. Kailanma'y hindi pa siya nakakatingin sa isang bituin. Kailanma'y wala pa siyang minahal. Kailanma'y wala siyang ibang ginagawa kundi magbilang. At maghapon na paulit-ulit niyang sinasabi tulad mo: 'Seryosong tao ako! Seryosong tao ako!' At ipinagmamalaki niya 'yon. Pero hindi siya tao, isa s'yang kabute!"
"Ano?"
"Isang kabute!"
Namumutla na ngayon sa galit ang munting prinsipe.
"Milyun-milyong taon nang nagpapatubo ng mga tinik ang mga bulaklak. Milyun-milyong taon na ring kinakain ng mga tupa ang mga bulaklak na ito. At hindi ba seryosong bagay ang subukang maintindihan kung bakit nila pinagkakaabalahang magpatubo ng mga tinik na wala naman palang anumang silbi sa kanila? Hindi ba importante ang paglalaban ng mga tupa at mga bulaklak? Hindi ba mas seryosong bagay at mas importante pa 'yon kaysa mga pagbilang ng isang matabang mamang pula? At ako, kung may nakilala akong isang bulaklak na bukod-tangi sa buong mundo, na wala sa ibang lugar kundi nasa aking planeta lamang, at kung puwede itong lipulin, isang umaga, nang minsanan lamang ng isang maliit na tupa na hindi namamalayan ang kanyang ginagawa - hindi ba ito importante?"
Namula siya, at kanyang ipinagpatuloy:
"Kung may nagmamahal sa isang bulaklak na kaisa-isahan lamang sa milyun-milyong bituin, sapat na ang tumingin siya sa mga bituin para matuwa siya. Masasabi niya sa kanyang sarili: 'Doon, naroon ang aking bulaklak.' Pero kung kainin ng tupa ang bulaklak, sa isang iglap lamang ay magdidilim na lahat para sa kanya ang mga bituin! At hindi ito mahalaga!"
Wala na siyang masabi pa. Bigla siyang humagulhol. Gabi na. Binitiwan ko ang aking mga gamit. Bale-wala na sa akin ngayon ang martilyo, turnilyo, uhaw o kamatayan man. Sa isang bituin, isang planeta, ang aking planeta, ang Lupa, may isang prinsipeng kailangang aliwin! Kinalong ko siya at inihele. Sinabi ko sa kanya: "Wala sa panganib ang mahal mong bulaklak... Magdodrowing ako ng isang busal para sa 'yong tupa... Idodrowing kita ng pamproteksyon para sa bulaklak mo... Ido-" Hindi ko na alam kung ano pa'ng sasabihin ko. Naramdaman kong palpak ako. Hindi ko alam kung paano kami magkakapalagayang-loob o paano magkakabalikan... Napakahiwaga, ang lupain ng mga luha!
The flower

VIII8

Madali kong nakilalang mabuti ang bulaklak na ito. Lagi nang may napakasimpleng mga bulaklak sa planeta ng munting prinsipe. Iisang hanay lamang ng petal ang kanilang gayak at hindi nila kailangan ang maluwang na lugar at hindi sila nakaaabala kaninuman. Lumilitaw sila kasama ng damo sa umaga, at sa gabi nama'y nawawala na. Pero ang bulaklak na ito - sumibol siya isang araw mula sa isang butil na walang nakaaalam kung saan galing. Binabantayang mabuti ng munting prinsipe ang usbong na ito na hindi katulad ng iba pang mga usbong. Maaaring bagong uri ito ng baobab. Ngunit di nagtagal at tumigil sa paglaki ang halaman at nagsimulang maghanda sa pamumulaklak. Naroon ang munting prinsipe sa paglitaw ng isang malaking buko, at naramdaman niyang may kung anong himalang lilitaw. Ngunit pinatagal ng bulaklak ang paghahanda sa kanyang ganda, sa loob ng kanyang berdeng tirahan. Pinili niyang mabuti ang kanyang mga kulay. Dahan-dahan niyang dinamitan ang sarili at isa-isang inayos ang kanyang mga petal. Ayaw niyang lumabas na gusot at kulubot gaya ng mga gumamela. Ayaw niyang lumitaw liban sa buong kaningningan lamang ng kanyang ganda. Oo nga! Napakaarte niya! Tumagal nang maraming araw ang mahiwaga niyang pag-aayos. At isang umaga, sa pagsikat ng araw, bigla n'yang ipinakita ang sarili.
At siya na laging eksakto sa kanyang paggawa ay nagsalita habang naghihikab:
"Ah! Kagigising ko lang. Pasensya ka na. Magulo pang lahat ang mga petal ko..."
At hindi naman mapigil ng munting prinsipe ang kanyang paghanga:
The Little prince and the flower
"Ang ganda mo!"
"S'yempre pa," ang malambing na sagot ng bulaklak. At isinilang pa akong kasabay ng araw..."
Madaling nakutuban ng munting prinsipe na hindi nga siya gaanong mababa'ng loob pero nakákadalá siya!
"Palagay ko'y oras na ng almusal," idinagdag pa niya. "Pakiasikaso mo naman sana ako, o..."
At sa sobrang lito, umalis ang munting prinsipe at naghanap ng isang pandilig na puno ng malamig na tubig, at pinagsilbihan ang bulaklak.
The Little princ eis watering the flower
Kaya hindi nagtagal at pinahirapan siya ng bulaklak sa labis na kayabangan nito na medyo madaling masaktan. Isang araw, halimbawa, nang nagsasalita siya tungkol sa kanyang apat na tinik, sinabi niya sa munting prinsipe:
"Puwede na silang lumapit - ang mga tigre - kahit na may mga kuko sila!"
The Little prince is saving the flower
"Walang tigre sa aking planeta," ang salungat ng munting prinsipe, "at saka hindi kumakain ng damo ang mga tigre."
"Hindi ako damo," ang malambing na sagot ng bulaklak.
"Patawarin mo ako..."
"Wala akong kinatatakutan sa mga tigre pero kinikilabutan ako sa ihip ng hangin. Wala ka bang pantabing?"
"Kinikilabutan sa ihip ng hangin... hindi 'to mabuti para sa isang halaman," puna ng munting prinsipe. "Napakakumplikado naman ng bulaklak na 'to..."
"Tatakluban mo ako ng garapon sa gabi. Napakalamig naman kasi dito sa 'yo. Hindi pa maayos dito. Sa pinanggalingan ko..."
Ngunit tumigil siya. Butil pa lamang siya nang dumating. Kaya wala siyang alam tungkol sa ibang daigdig. Napahiya siya dahil nabisto siya na may binabalak siyang napakababaw na kasinungalingan. Kaya dalawa o tatlong beses siyang umubo para ibagsak ang sisi sa munting prinsipe:
"Ang pantabing?..."
"Maghahanap na nga ako pero kinakausap mo pa 'ko!"
Beast of prey and the flower
Pilit pa siyang umubo para lalo pa niya itong makonsiyensiya.
Kaya sa kabila ng kagandahang-loob ng kanyang pag-ibig, nagsimulang maghinala ang munting prinsipe sa bulaklak. Tinotoo niya ang mga salitang walang halaga, at ngayo'y masama ang loob niya.
"Hindi ako dapat nakinig sa kanya," ipinagtapat niya sa akin isang araw, "hindi kailanman dapat pakinggan ang mga bulaklak. Dapat lamang tingnan at amuyin ang mga ito. Pinabango ng bulaklak ko ang aking planeta pero hindi ko pa alam kung paano masiyahan. Nagkaroon sana ako ng malasakit dahil sa istoryang ito tungkol sa mga kuko at hindi lubhang nayamot..."
Ipinagtapat pa niya:
"Hindi ako marunong umunawa noon! Hinusgahan ko s'ya dapat sa kanyang mga gawa at hindi sa kanyang mga salita. Pinabango n'ya ang aking kapaligiran at pinapagliwanag. Hindi sana ako lumayo! Nahiwatigan ko sana ang kanyang pagtingin na nasa likod ng kanyang mga pakulo. Ang labo ng mga bulaklak! Pero napakabata ko pa para matutuhang mahalin siya."
Winter on the planet

IX9

Sa palagay ko'y sinamantala niya sa kanyang pagtakas ang paglikas ng maiilap na ibon. Sa umaga ng pag-alis, inayos niyang mabuti ang kanyang planeta. Maingat niyang nilinis ang mga buhay na bulkan. May dalawa siyang buhay na bulkan. At malaking tulong ito sa kanya sa pag-iinit ng almusal sa umaga. May isang patay na bulkan din siya. Ngunit ayon sa sabi niya:
"Walang nakaaalam!" Kaya nilinis din niya ang patay na bulkan. Kung talagang nalilinis ang mga ito, dahan-dahan at regular na nag-aapoy ang mga bulkan nang walang pagputok. Parang sunog sa mga tsiminea ang mga pagputok ng bulkan. Napakaliit natin s'yempre dito sa ating lupain para linisin ang ating mga bulkan. Kaya pinahihirapan tayo ng mga ito.
Medyo mabigat ang loob ng munting prinsipe nang bunutin niya ang mga huling usbong ng mga baobab. Pakiramdam niya'y hindi na siya babalik pa. Ngunit nang umagang 'yon, mukhang napakasarap para sa kanya ang lahat ng dati na niyang gawain. At nang diligin na niya ang bulaklak sa huling pagkakataon at nang tatakluban na niya ito ng garapon nito, naramdaman niyang gusto niyang umiyak.
The Little price is cleaning volcano
"Paalam," ang sabi niya sa bulaklak.
Ngunit hindi ito sumagot.
"Paalam," inulit niya.
Umubo ang bulaklak. Ngunit hindi dahil may sipon siya.
"Naging hangal ako," sinabi niya sa wakas. "Patawarin mo sana ako. Sikapin mong lumigaya."
Nagtaka siya sa kawalan ng paninisi. Nanatili siyang nakatayo, litung-lito, hawak ang garapon. Hindi na mahalaga 'yon. Ngunit ikaw, naging kasinghangal din kita. Sikapin mong lumigaya. Pabayaan mo na ang garapon. Ayaw ko na.
"Pero ang hangin..."
"Hindi naman gaano ang sipon ko para... Makabubuti sa 'kin ang sariwang hangin sa gabi. Isa akong bulaklak."
"Pero ang mga hayop..."
"S'yempre pa, kailangan kong tiisin ang dalawa o tatlong higad kung gusto kong makakilala ng mga paruparo. Napakaganda raw nila. Kung hindi, sino pa ang dadalaw sa akin? Ikaw, mapapalayo ka na. Tungkol naman sa malalaking hayop, hindi ako natatakot. May mga kuko ako."
At ipinakita niya nang gayon na lamang ang kanyang apat na tinik. At idinagdag pa niya:
"Huwag ka nang magtagal pa, naiinis lang ako nito. Ipinasya mong lumayo. Umalis ka na."
Ayaw kasi niyang makita siya nitong umiiyak. Talaga ngang isa siyang mapagmataas na bulaklak.

X10

Napapunta siya sa rehiyon ng mga asteroid 325, 326, 327, 328, 329 at 330. Sinimulan niyang dalawin ang mga ito para may magawa siya at may matutuhan.
Isang hari ang nakatira sa unang asteroid. Nakaupo ang hari sa isang simpleng-simple ngunit maharlikang trono, at nakabihis siya ng maasul-asul na pulang damit na may puting balahibo ng hayop.
"Ah! Narito ang isang nasasakupan," ang malakas na sabi ng hari nang makita niya ang munting prinsipe.
Tinanong ng munting prinsipe ang kanyang sarili:
"Paano n'ya ako nakilala gayong hindi pa n'ya ako nakikita ni minsan?"
Hindi niya alam na napakasimple ang mundo para sa mga hari. Sakop nila ang lahat ng tao.
"Lumapit ka sa 'kin para makita kitang mabuti," ang sabi ng hari na napakayabang at naging hari siya sa wakas sa kung sino.
Naghahanap ng mauupuan ang munting prinsipe. Ngunit nakalatag sa buong planeta ang napakagandang kapa ng hari.
Kaya nanatili siyang nakatayo, at dahil sa pagod ay naghikab siya.
"Labag sa batas at kaugalian na maghikab sa harap ng hari," ang sabi sa kanya ng hari. "Pinagbabawalan kita."
"Hindi ko 'to kayang pigilan," sumagot ang munting prinsipe na nalilito. "Galang ako sa malayo at hindi pa ako nakakatulog..."
"Kung gayon, " sabi ng hari, "iniuutos ko sa 'yong maghikab. Mga ilang taon na rin naman na hindi ako nakakakita ng naghihikab. Para sa 'ki'y nakapagtataka ang hikab. Sige! Maghikab ka uli. Iniuutos ko ito."
"Nahihiya ako... hindi ko na kaya..." at namula ang munting prinsipe nang sabihin niya ito.
"Hum! Hum!" sumagot ang hari. "Kaya ini-... iniuutos ko sa 'yong maghikab kung minsan at kung minsan nama'y..."
Medyo nabubulol siya at parang naiinis.
Sapagkat ang talagang iginigiit ng hari ay igalang ang kanyang kapangyarihan. Hindi niya kinukunsinti ang anumang pagsuway. Walang limitasyon ang kanyang pagkahari. Ngunit dahil napakabuti niya, makatwiran ang kanyang mga utos.
"Kung utusan ko," ang lagi niyang sinasabi, "kung utusan ko ang isang heneral na maging ibong-dagat siya at kung hindi sumunod ang heneral, hindi ito kasalanan ng heneral. Magiging kasalanan ko ito."
"Puwede ba akong maupo?" nakikiming tanong ng munting prinsipe.
"Iniuutos ko sa 'yong maupo ka," sumagot ang hari, at buong-karingalan niyang hinila ang laylayan ng puti niyang kapang yari sa balahibo ng hayop.
Ngunit nagtataka ang munting prinsipe. Napakaliit ng planeta. Sa ano makapaghahari ang hari?
The king
"Sir..." sinabi niya, "ipagpaumanhin n'yo sana ang pagtatanong ko sa inyo..."
"Iniuutos ko sa 'yong tanungin mo ako," nagmamadaling sinabi ng hari.
"Sir... sa ano po ba kayo naghahari?"
"Sa lahat," ang napakasimpleng sagot ng hari.
"Sa lahat?"
Bahagyang iginalaw ng hari ang kanyang kamay para tukuyin ang kanyang planeta, ang ibang mga planeta at mga bituin.
"Sa lahat ng 'yan?" sabi ng munting prinsipe.
"Sa lahat ng 'yan..." sagot ng hari.
Sapagkat hindi lamang walang limitasyon ang kanyang pagkahari kundi hari pa rin siya ng sanlibutan.
"At sumusunod naman sa inyo ang mga bituin?"
"Oo, s'yempre," sinabi sa kanya ng hari. "Agad silang sumusunod. Hindi ko kinukunsinti ang kawalan ng disiplina."
Nanggilalas ang munting prinsipe sa gayong kapangyarihan. Kung meron siya nito, mapapanood sana niya ang paglubog ng araw, hindi lamang apatnapu't apat na beses kundi pitumpu't dalawa o sandaan kaya o dalawandaan sa loob ng isang araw, na hindi na kailangan pang ilipat ang kanyang silya! At dahil medyo nalungkot ang munting prinsipe nang maalala niya ang kanyang munting planetang iniwan niya, lakas-loob niyang ipinakiusap sa hari:
"Gusto ko sanang makita ang paglubog ng araw... Pagbigyang n'yo sana ko... Utusan n'yong lumubog ang araw..."
"Kung utusan ko ang isang heneral na lumipad at dumapo sa mga bulaklak gaya ng isang paruparo o sumulat kaya ng isang malungkot na drama o maging ibong-dagat, at kung hindi matupad ng heneral ang utos na kanyang tinanggap, sino sa 'min ang mali - siya o ako?"
"Kayo," ang matatag na sagot ng munting prinsipe.
"Tama. Ang kayang ibigay ng bawat isa ang kailangang hingin sa bawat isa. Una sa lahat, sa katwiran nakasalalay ang kapangyarihan. Kung uutusan mo ang 'yong mga mamamayan na tumalon sa dagat, magrerebolusyon sila. May karapatan akong itadhana na sundin ako dahil makatwiran ang aking mga utos."
"E, ang aking paglubog ng araw?" ipinaalala ng munting prinsipe na di kailanman nakakalimot sa kanyang itinanong sa oras na masabi niya ito.
"Makakamit mo ang 'yong paglubog ng araw. Itatadhana ko ito. Ngunit ayon sa aking paraan ng pamamahala, maghihintay ako hanggang maging tamang-tama ang kalagayan."
"Kailan ito?" tanong ng munting prinsipe.
"Ehem! ehem!" sumagot sa kanya ang hari, na kinonsulta muna ang isang malaking kalendaryo, "Ehem! ehem! Mangyayari ito, mga... mga... mangyayari ito ngayong gabi mga alas siyete-kuwarenta! At makikita mo kung paano ako sinusunod nang mabuti."
Naghikab ang munting prinsipe. Pinanghihinayangan niya ang di paglubog ng araw. At medyo naiinip na rin siya:
"Wala na 'kong magagawa dito," sinabi niya sa hari. "Aalis na ako!"
"Huwag kang umalis," sumagot ang hari na nagmamalaki sa pagkakaroon ng isang nasasakupan. "Huwag kang umalis, gagawin kitang ministro!"
"Ministro ng ano?"
"Ng... ng katarungan!"
"Pero wala namang hahatulan dito!"
"Walang nakaaalam," ang sabi ng hari sa kanya. "Hindi ko pa nalilibot ang aking kaharian. Napakatanda ko na. Wala akong lugar dito para sa isang karwahe at napapagod akong maglakad."
"Oh! pero nakita ko na," sinabi ng munting prinsipe na tumungo para tingnan sa isang sulyap ang kabilang tabi ng planeta. "Wala ring tao doon sa ibaba..."
"Kung gayon, huhusgahan mo ang 'yong sarili," sumagot sa kanya ang hari. "Ito ang pinakamahirap. Mas mahirap ngang husgahan ang sarili kaysa husgahan ang iba. Kung mahuhusgahan mo nang tama ang 'yong sarili, nangangahulugan ito na totoo ngang pantas ka."
"Ako," sinabi ng munting prinsipe, "puwede kong husgahan ang sarili ko kahit saan. Hindi ko kailangang tumira dito."
"Ehem! ehem!" sabi ng hari, "Malakas ang kutob ko na sa aking planeta ay may isang matandang daga kung saan. Naririnig ko siya sa gabi. Mahahatulan mo ang matandang dagang iyon. Hahatulan mo siya ng kamatayan paminsan-minsan. Kaya masasalalay ang kanyang buhay sa 'yong katarungan. Ngunit patatawarin mo siya sa lahat ng pagkakataon para maingatan siya. Iisa lang kasi siya."
"Ayokong hatulan ng kamatayan ang sinuman," sagot ng munting prinsipe, "at palagay ko'y dapat na 'kong umalis."
"H'wag," sabi ng hari.
Handa nang umalis ang munting prinsipe ngunit ayaw niyang sumama ang loob ng matandang hari:
"Kung gusto ng Inyong Kamahalan na agad s'yang sundin, makapagbibigay s'ya sa 'kin ng isang makatwirang utos. Halimbawa'y mauutusan n'ya 'kong umalis pagkaraan ng isang minuto. Sa palagay ko'y tamang-tama ang kalagayan ngayon..."
Hindi sumagot ang hari kaya sandaling nag-atubili ang munting prinsipe, at pagkatapos ay nagbuntung-hininga at umalis.
"Ginagawa kitang ambasador ko," pabiglang isinigaw ng hari.
Mukha siyang may malaking kapangyarihan.
"Talaga ngang kakaiba ang matatanda," sinabi ng munting prinsipe sa kanyang sarili sa kanyang paglalakbay.

XI11

Sa ikalawang planeta naman, isang taong hambog ang nakatira.
"Aha! Aha! may isang tagahangang dumadalaw sa 'kin!" pasigaw na wika ng hambog mula sa malayo, nang nakita niyang dumarating ang munting prinsipe.
Sapagkat para sa mga hambog na tao, mga tagahanga lamang ang iba pang mga tao.
"Magandang umaga," sabi ng munting prinsipe. "Kakaiba naman ang sombrero mo."
"Para sa pagsaludo ito," sagot sa kanya ng hambog ng tao. "Para sa pagsaludo ito kapag masaya akong ipinagsisigawan ng mga tao. Pero sa kamalasan e walang nagagawi dito."
"Talaga?" sabi ng munting prinsipe na hindi niya ito maintindihan.
"Pumalakpak ka," ang payo sa kanya ng hambog na tao.
Pumalakpak ang munting prinsipe. Itinaas naman ng hambog na tao ang kanyang sombrero sa simpleng pagsaludo.
"Mas nakalilibang ito kaysa dalaw sa hari," sinabi ng munting prinsipe sa kanyang sarili. At muli siyang pumalakpak. Muli rin namang sumaludo ang hambog na tao sa pagtataas ng kanyang sombrero.
Limang minuto niya iyong ginawa, at pagkatapos ay napagod ang munting prinsipe sa nakakasawang larong ito:
The Conceited man
"E, ano naman ang dapat gawin para mahulog ang sombrero?" itinanong niya.
Ngunit hindi siya inintindi ng hambog na tao. Walang iniintindi ang mga hambog kundi mga papuri lamang.
"Talaga nga bang sobra ang paghanga mo sa 'kin?" tanong niya sa munting prinsipe.
"Ano ang ibig sabihin ng 'paghanga'?"
"Nangangahulugan ang 'paghanga' na kinikilala mo na ako ang pinakaguwapo, pinakamagaling magdamit, pinakamayaman at pinakamatalino sa planeta."
"Pero nag-iisa ka sa planeta mo!"
"Pagbigyan mo na ako. Basta hangaan mo lang ako!"
"Hinahangaan kita," sabi ng munting prinsipe na medyo nagkibit-balikat, "pero ano'ng kuwenta nito sa 'yo?"
At umalis ang munting prinsipe.
"Talaga ngang kataka-taka ang matatanda," ang simpleng nasabi niya sa kanyang sarili sa kanyang paglalakbay.

XII12

Isang lasenggo naman ang nakatira sa sumunod na planeta. Sandali lamang ang pagdalaw na ito ngunit labis na bumigat ang loob ng munting prinsipe:
"Ano ang ginagawa mo dito?" sinabi niya sa lasenggong nakita niyang tahimik na nakaupo sa harap ng isang koleksyon ng mga boteng walang-laman at ng isa pang koleksyon ng mga boteng puno pa.
"Umiinom ako," sumagot ang lasenggo na parang nagluluksa.
"Ba't ka umiinom?" tanong sa kanya ng munting prinsipe.
"Para makalimot," sagot ng lasenggo.
"Para makalimot sa ano?" tanong ng munting prinsipe na naaawa na sa kanya.
"Para makalimot sa aking ikinahihiya," inamin ng lasenggo na nakalungayngay ang ulo.
"Anong ikinahihiya?" usisa ng munting prinsipe na gustong makatulong sa kanya.
"Ang ikinahihiyang pag-inom!" ang pagtatapos ng lasenggo na lubos na nagkulong sa katahimikan.
Tippler
Umalis ang munting prinsipe na nagtataka.
"Talaga ngang labis-labis na nakapagtataka ang matatanda," sinabi ng munting prinsipe sa kanyang sarili sa paglalakbay niya.

XIII13

Ang sa negosyante naman ang ika'pat na planeta. Abalang-abala ang taong ito kaya hindi man lang siya tumunghay nang dumating ang munting prinsipe.
"Magandang umaga," sabi ng munting prinsipe sa kanya. "Patay na ang sigarilyo n'yo."
"Tatlo at dalawa ay lima. Lima at pito ay labindalawa. Labindalawa at tatlo ay labinlima. Magandang umaga. Labinlima at pito ay dalawampu't dalawa. Dalawampu't dalawa at anim ay dalawamp't walo. Wala akong panahon para sindihan ito uli. Dalawampu't anim at lima ay tatlumpu't isa. Hay! Kaya ito'y limandaa't isang milyon, animnaraa't dalawampu't dalawanlibo, pitundaa't tatlumpu't isa."
"Limandaang milyong ano?"
"Ha? Nariyan ka pa? Limandaa't isang milyong... hindi ko na alam... Napakarami kong trabaho! Seryoso ako - ako - hindi ako interesado sa mga bagay na walang kuwenta! Dalawa at lima ay pito..."
"Limandaa't isang milyon ano?" inulit ng munting prinsipe na sa tanang buhay niya'y hindi kailanman hinihintuan ang isang tanong sa oras na maitanong niya ito.
The businessman
Tumunghay ang negosyante:
"Sa limampu't apat na taon kong pagtira sa planetang ito, tatlong beses lang akong nagagambala. Nangyari ang una, may dalawampu't dalawang taon na ang nakalilipas, dahil sa isang bubuyog na bumagsak na Diyos lamang ang may-alam kung saan galing. Nakakarindi ang ingay niya kaya apat na beses akong nagkamali sa pagsusuma. Nangyari naman ang ikalawa, labing-isang taon na ang nakararaan, dahil sa atake ng rayuma. Kulang ako sa eksersays. Wala akong panahong magpagala-gala. Seryosong tao ako. Ang ikatlong beses nama'y... heto! Sinabi ko na limandaa't isang milyon..."
"Milyong ano?"
Naintindihan ng negosyante na hindi siya makaaasang paratahimikin:
"Milyon ng maliliit na bagay na kung minsa'y nakikita sa langit."
"Mga langaw?"
"Hindi, maliliit na bagay na kumikislap."
"Mga putakte?"
"Hindi. Maliliit na bagay na kulay-ginto, na dahil sa kanila'y nangangarap ang mga batugan. Pero seryosong tao ako. Wala akong panahong mangarap."
"Ah! Mga bituin?"
"'Yon nga. Mga bituin."
"At ano'ng ginagawa mo sa limandaang milyong bituin?"
"Limandaa't isang milyon, animnaraa't dalawampu't dalawanlibo, pitundaa't tatlumpu't isa. Seryosong tao ako. Eksakto ako."
"At ano'ng ginagawa mo sa mga bituin?"
"Ang ginagawa ko sa kanila?"
"Oo."
"Wala. Ako ang may-ari sa kanila."
"Ikaw ang may-ari ng mga bituin?"
"Oo."
"Pero may nakita na 'kong isang haring..."
"Hindi nag-aari ang mga hari. 'Naghahari' sila. Ibang-iba ito."
"At ano'ng mapapala mo sa pag-aari sa mga bituin?"
"Nagiging mayaman ako."
"E, ano naman ang mapapala mo kung maging mayaman ka?"
"Para makabili ng iba pang mga bituin, kung may madidiskubreng iba."
"Medyo katulad ng aking lasenggo ang pangangatwiran ng taong ito," sabi ng munting prinsipe sa kanyang sarili.
Ngunit may mga tanong pa siya:
"Paano makapag-aari ng mga bituin?"
"Kanino ba sila?" sagot ng negosyante na mainit ang ulo.
"Hindi ko alam. Walang sinuman."
"Kung gayon, sa akin sila dahil ako ang unang nakaisip nito."
"Gayon lang?"
"S'yempre. Kung makakita ka ng isang diyamanteng walang may-ari, sa 'yo na 'to. Kung makakita ka ng isang islang walang may-ari, sa 'yo na 'to. Kung ikaw ang unang nakaisip ng isang ideya, ipapatente mo ito at sa 'yo na 'to. Kaya ako ang nag-aari sa mga bituin dahil walang iba kundi ako ang nakaisip ariin sila."
"Totoo nga ano..." sabi ng munting prinsipe. "E, ano'ng ginagawa mo sa kanila?"
"Ako ang manedyer nila. Binibilang ko sila at binibilang pa uli," sabi ng negosyante. "Mahirap ito. Pero seryosong tao ako!"
Hindi pa rin kumbinsido ang munting prinsipe.
"Ako, kung meron akong isang iskarp, puwede ko 'tong ibalabal sa 'king leeg at dalhin. Ako, kung meron akong isang bulaklak, puwede kong pitasin ang aking bulaklak at dalhin. Pero hindi mo naman mapipitas ang mga bituin!"
"Hindi nga, pero puwede ko namang ilagay ang mga ito sa bangko."
"Ano naman ang ibig sabihin n'yon?"
"Ibig sabihin n'yon e isinusulat ko sa kapirasong papel ang bilang ng aking mga bituin. At pagkatapos ay sinususian ko ang papel na ito sa loob ng isang drower."
"'Yon lang ba?"
"Sapat na 'yon!"
"Nakakalibang ito," inisip ng munting prinsipe. "Medyo matulain ito pero hindi naman talagang seryoso."
Ibang-iba ang mga ideya ng munting prinsipe tungkol sa mga seryosong bagay kaysa mga ideya ng matatanda.
"Meron akong isang bulaklak na dinidilig ko araw-araw," sinabi pa ng munting prinsipe. "Meron akong tatlong bulkan na nililinis ko linggu-linggo. Sapagkat nililinis ko rin pati ang patay na bulkan. Walang nakaaalam. Kapaki-pakinabang para sa mga bulkan ko at kapaki-pakinabang para sa aking bulaklak na pag-aari ko sila. Pero ikaw, walang pakinabang sa 'yo ang mga bituin."
Nagbukas ng bibig ang negosyante pero wala siyang mahagilap na salita para isagot, at umalis ang munting prinsipe.
"Talaga ngang napakaekstraordinaryo ng matatanda," ang simpleng sabi niya sa kanyang sarili sa kanyang paglalakbay.

XIV14

Kakaibang-kakaiba ang ikalimang planeta. Pinakamaliit ito sa lahat. Tamang-tama lang ang lugar para sa isang ilaw sa kalye at isang tagasindi ng ilaw. Hindi maipaliwanag ng munting prinsipe kung ano ang silbi n'yon sa kung anong parte ng langit sa isang planetang wala namang bahay ni naninirahan - isang ilaw sa kalye at isang tagasindi ng ilaw. Ngunit sinabi pa rin niya sa kanyang sarili:
"Ang labo siguro ng taong ito. Pero hindi naman s'ya kasinlabo ng hari, ng hambog na tao, ng negosyante at ng lasenggo. May kahulugan kahit paano ang kanyang trabaho. Pag sinisindihan n'ya ang kanyang ilaw, parang nagbibigay-buhay siya sa isa pang bituin o isang bulaklak. Pag pinapatay naman n'ya ang kanyang ilaw, pinatutulog n'ya ang bulaklak o bituin. Napakagandang trabaho ito. Talaga ngang kapaki-pakinabang dahil maganda ito."
Nang dumating siya sa planeta, magalang niyang kinumusta ang tagasindi:
The lamplighter
"Magandang umaga. Ba't mo pinatay ang 'yong ilaw?"
"'Yon ang utos," sumagot ang tagasindi. "Magandang umaga."
"Anong utos?"
"Na patayin ang aking ilaw. Magandang gabi."
At muli niyang sinindihan ang ilaw.
"Pero ba't mo sinindihan uli?"
"'Yon ang utos," sagot ng tagasindi.
"Hindi ko maintindihan," sabi ng munting prinsipe.
"Walang kailangang intindihin," sabi ng tagasindi. "Ang utos ay utos. Magandang umaga."
At pinatay niya ang kanyang ilaw.
Pagkatapos ay pinunasan niya ang kanyang noo ng isang panyong may pulang kuwadra-kuwadrado.
"Napakahirap ng gawain ko. Dati'y may dahilan ito. Pinapatay ko ang ilaw sa umaga at sinisindihan naman sa gabi. Akin ang nalalabing panahon sa maghapon para magpahinga at sa magdamag naman para matulog..."
"At nabago ba ang utos mula noon?"
"Hindi nababago ang utos," sinabi ng tagasindi. "Ito nga ang malungkot na pangyayari! Pabilis nang pabilis ang ikot ng planeta taun-taon, at hindi nagbabago ang utos!"
"Kaya?" sabi ng munting prinsipe.
"Kaya ngayong umiikot ito minu-minuto, wala ako ni isang saglit na pahinga. Sinisindihan ko ito at pinapatay minu-minuto!"
"Nakakatawa ito! Tumatagal lang ng isang minuto ang mga araw dito sa lugar mo!"
"Walang nakakatawa dito," sinabi ng tagasindi. "Isang buwan na ang lumipas habang nag-uusap tayo."
"Isang buwan?"
"Oo, Tatlumpung minuto. Tatlumpung araw! Magandang gabi."
At muli niyang sinindihan ang kanyang ilaw.
Tiningnan siya ng munting prinsipe, at minahal niya ang tagasindi na ganoon katapat sa utos. Naalaala niya ang mga paglubog ng araw na dati'y hinahanap niya mismo sa paglilipat lamang ng kanyang silya. Gusto niyang tulungan ang kanyang kaibigan:
"Alam mo... may alam akong paraan para makapagpahinga ka pag gusto mo..."
"Lagi ko ngang gusto," sinabi ng tagasindi.
Dahil maaaring kapwa maging tapat at tamad ang isa.
Nagpatuloy ang munting prinsipe:
"Napakaliit ng 'yong planeta kaya malilibot mo ito sa tatlong hakbang lang. Kailangan mo lang maglakad nang dahan-dahan para laging nasa sikat ng araw. Pag gusto mo namang magpahinga, maglakad ka... at tatagal ang maghapon ayon sa gusto mo."
"Hindi na ito mapabubuti," sinabi ng tagasindi. "Ang matulog ang pinakagusto ko sa buhay."
"Napakamalas naman," sabi ng munting prinsipe.
"Napakamalas," sinabi ng tagasindi. "Magandang umaga." At pinatay niya ang kanyang ilaw.
"Ang taong ito," sinabi ng munting prinsipe sa kanyang sarili sa pagpapatuloy niya sa kanyang paglalakbay, "hahamakin ang taong ito ng lahat ng iba pa, ng hari, ng hambog na tao, ng lasenggo, ng negosyante. Pero s'ya lamang sa tingin ko ang hindi katawa-tawa. Dahil siguro sa ibang bagay ang iniisip niya at di ang kanyang sarili."
Nagbuntung-hininga siya na parang nanghihinayang at sinabi niya sa kanyang sarili:
"S'ya lang ang puwede kong maging kaibigan. Pero napakaliit ngang talaga ng kanyang planeta. Walang lugar para sa dalawa..."
Hindi magawang aminin ng munting prinsipe na pinanghihinayangan niya ang pinagpalang planetang ito sa kanyang pag-alis dahil sa sanlibo't apatnaraa't apatnapung paglubog ng araw tuwing dalawampu't apat na oras!

XV15

Sampung ulit na mas malaki ang ikaanim na planeta. Isang matandang ginoo na sumulat ng makakapal na libro ang nakatira doon.
"Hayan! Narito ang isang eksplorer!" ang malakas na sabi niya pagkakita sa munting prinsipe.
Naupo sa mesa ang munting prinsipe na medyo humihingal. Napakalayo na ng kanyang nalakbay!
"Sa'n ka galing?" sabi sa kanya ng matandang ginoo.
"Ano ang malaking librong 'yan?" sabi ng munting prinsipe. "Ano'ng ginagawa n'yo rito?"
"Heograpo ako," sinabi ng matandang ginoo.
"Ano ang heograpo?"
"Siya ang pantas na nakaaalam kung saan naroon ang mga dagat, mga ilog, mga siyudad, mga bundok at mga disyerto."
"'Yan ang talagang kawili-wili," sinabi ng munting prinsipe. Sa wakas, isang tunay na propesyon! At tinanaw niya sa kanyang paligid ang planeta ng heograpo. Wala pa siyang nakitang planeta na gano'n kaganda at kahanga-hanga.
The geographer
"Napakaganda nitong planeta n'yo. May mga dagat ba dito?"
"Hindi ako ang nakaaalam," sabi ng heograpo.
"Ah!" (Nabigo ang munting prinsipe.) "At mga bundok?"
"Hindi ako ang nakaaalam," sabi ng heograpo.
"At mga siyudad at mga ilog at mga disyerto?"
"Hindi rin ako ang nakaaalam," sabi ng heograpo.
"Pero heograpo kayo!"
"Tama," sabi ng heograpo, "pero hindi ako eksplorer. Talaga ngang kulang na kulang ako sa mga eksplorer. Hindi trabaho ng heograpo ang magbilang ng mga siyudad, mga ilog, mga bundok, mga dagat at mga disyerto. Napakaimportante ng heograpo para magpagala-gala. Hindi niya iniiwan ang kanyang opisina. Pero pinakikiharapan naman niya ang mga eksplorer. Tinatanong niya sila at isinusulat niya ang kanilang mga natatandaan. At kung mukhang mahalaga para sa kanya ang natatandaan ng isa sa kanila, hihingi ng pagsisiyasat ang heograpo tungkol sa moralidad ng eksplorer."
"Ba't gano'n?"
"Dahil malaking kapahamakan sa mga libro ng heograpiya ang inihahatid ng isang eksplorer na sinungaling. At gano'n din ang isang eksplorer na malakas uminom."
"Ba't gano'n?" tanong ng munting prinsipe.
"Dahil doble ang tingin ng mga lasenggo. Kaya dalawang bundok ang itatala ng heograpo sa halip na isa lang."
"May kilala ako," sinabi ng munting prinsipe, "na lalabas na masamang eksplorer."
"Maaari. Kaya kung mapatunayang maganda ang moralidad ng eksplorer, saka isasagawa ang pagsisiyasat sa nadiskubre n'ya."
"Pupuntahan para makita?"
"Hindi. Napakakumplikado n'yon. Ngunit hihingin sa eksplorer na magbigay ng mga katibayan. Kung tungkol ito halimbawa sa pagkadiskubre sa isang malaking bundok, hihingin sa kanya na mag-uwi ng malalaking bato."
Biglang sumigla ang heograpo.
"Ngunit ikaw, galing ka sa malayo! Eksplorer ka! Ilalarawan mo sa 'kin ang 'yong planeta!"
At pagkabukas ng heograpo sa kanyang talaan, tinasahan niya ang kanyang lapis. Sa lapis muna isinusulat ang mga salaysay ng mga eksplorer. Hihintaying makapagbigay muna ng mga patunay ang eksplorer para maisulat ang mga ito sa tinta.
"Kaya?" tanong ng heograpo.
"Oh! sa lugar ko," sabi ng munting prinsipe, "wala naman talagang nakakainteres, napakaliit nito. May tatlo akong bulkan. Buhay ang dalawang bulkan, at isa naman ang patay na bulkan. Pero walang nakaaalam."
"Walang nakaaalam," sabi ng heograpo.
"Meron din akong isang bulaklak."
"Hindi namin itinatala ang mga bulaklak," sabi ng heograpo.
"Ba't gano'n! Ito pa naman ang pinakamaganda!"
"Dahil panandalian lamang ang mga bulaklak."
"Ano'ng ibig sabihin n'yon - 'panandalian'?"
"Mga libro sa heograpiya," sabi ng heograpo, "ang pinakamahalaga sa lahat ng libro. Hinding-hindi naluluma ang mga ito. Bihirang-bihirang nagpapalit ng lugar ang isang bundok. Bihirang-bihirang natutuyuan ng tubig nito ang isang dagat. Mga bagay na walang hanggan ang isinusulat namin."
"Pero puwedeng mabuhay ang mga patay na bulkan," sumabad ang munting prinsipe. "Ano'ng ibig sabihin n'yong 'panandalian'?"
"Patay man o buhay ang mga bulkan, pareho lang ang mga ito para sa 'min," sinabi ng heograpo. "Ang bundok ang mahalaga para sa 'min. Hindi ito nagbabago."
"Pero ano'ng ibig sabihin n'yong ''panandalian'?" inulit ng munting prinsipe na sa tanang buhay niya'y hinid hinihintuan ang isang tanong sa oras na masabi niya ito.
"Ito ang ibig sabihin n'yon: 'na nanganganib sa nalalapit na paglalaho'."
"Nanganganib ba sa nalalapit na paglalaho ang aking bulaklak?"
"S'yempre."
"Panandalian lang ang aking bulaklak," sabi ng munting prinsipe sa kanyang sarili, "at may apat na tinik lamang s'ya para ipagtanggol ang sarili laban sa daigdig! At iniwan ko s'yang labis na nag-iisa sa aking planeta!"
'Yon ang una niyang pagkadama ng panghihinayang. Ngunit nilakasan niya ang kanyang loob:
"Ano ang maipapayo n'yong dalawin ko ngayon?" tanong niya.
"Ang planetang Lupa," sagot sa kanya ng heograpo.
"Maganda ang pagkakilala dito..."
At umalis ang munting prinsipe na naaalala ang kanyang bulaklak.

XVI16

Kaya ang Lupa ang ikapitong planeta.
Hindi ordinaryong planeta ang Lupa! Sandaa't labing-isang hari (kabilang na s'yempre ang mga haring Negro), pitunlibong heograpo, siyamnaraanlibong negosyante, pitong milyon at limandaanlibong lasenggo, tatlundaa't labing-isang milyong hambog na tao ang mabibilang doon, ibig sabihi'y halos dalawang bilyong matatanda (sa ngayo'y apat na bilyon nang lahat, kaya doble na rin ang lahat ng bilang na ito).
Para magkaroon ka ng ideya tungkol sa laki ng Lupa, sasabihin ko sa 'yo na bago naimbento ang kuryente, isang tunay na hukbo ng apatnaraa't animnapu't dalawang libo't limandaa't labing-isang tagasindi ng mga ilaw ang kailangang tustusan sa buong anim na kontinente.
Napakagandang tanawin ang makikita rito mula sa di-kalayuan. Maisasaayos ang mga galaw ng hukbong ito gaya ng sa isang ballet sa opera. Sa una'y ang parte ng mga tagasindi ng mga ilaw sa New Zealand at Australia. Pagkasindi nila sa kanilang mga ilaw, lalabas sila para matulog. Pagkatapos, papasok naman ang mga tagasindi ng mga ilaw sa China at Siberia para sa kanilang parte sa sayaw. At saka sila mawawala rin sa kabila ng telon. Susunod naman ang parte ng mga tagasindi ng mga ilaw sa Russia at Indies. Pagkatapos ay ang mga nasa Afrika at Europa. Pagkatapos ay ang mga nasa Timog Amerika. Pagkatapos ay ang mga nasa Hilagang Amerika. At hinding-hindi sila nagkakamali sa pagkakasunud-sunod ng kanilang pagpasok sa eksena. Talaga ngang kahanga-hanga ito.
Ang tagasindi ng nag-iisang ilaw sa North Pole at ang kasamahan niya sa nag-iisang ilaw sa South Pole - sila lamang ang makapamumuhay nang pa-bandying-bandying at paisi-isi: dalawang beses isang taon lang sila magtatrabaho.

XVII17

Kung gusto ninuman na lumabas na magaling, nauuwi ito sa kaunting pambobola niya kung minsan. Hindi ako talaga naging tapat nang sabihin ko sa inyo ang tungkol sa mga tagasindi ng mga ilaw. Maaaring di-tamang ideya ang naibigay ko tungkol sa ating planeta sa mga hindi pa nakaaalam dito. Napakaliit na lugar lamang sa lupa ang inookupa ng mga tao. Kung tatayong lahat at medyo magsisiksikan ang dalawang bilyong taong naninirahan sa lupa, na parang nasa isang miting, madali silang kakasya sa isang plasa na dalawampung milya ang haba at dalawampung milya ang lapad. Puwedeng isalansan ang sangkatauhan sa pinakamaliit na isla sa Pacific.
Hindi ka s'yempre paniniwalaan ng matatanda. Akala nila'y napakalawak na ang pinaninirahan nila. Mahalaga ang tingin nila sa kanilang sarili tulad ng mga baobab. Kaya payuhan mo silang magkuwenta. Gustung-gusto nila ang mga bilang: dito sila nasisiyahan. Pero huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mabigat na gawaing ito. Hindi ito kailangan. Alam kong naniniwala ka sa akin.
v
Kaya pag dating niya sa lupa, labis na nagtaka ang munting prinsipe at wala siyang nakitang tao. Kinakabahan na siya na maaaring nagkamali siya ng planeta nang may kung anong nakabilog na kulay-buwan ang gumalaw sa buhangin.
"Magandang gabi," sabi ng munting prinsipe sa pagbabakasakali.
"Magandang gabi," ang sabi naman ng ahas.
"Anong planeta ba itong binabaan ko?" tanong ng munting prinsipe.
"Sa Lupa - sa Afrika," sumagot ang ahas.
"Ah!... Kung gayo'y walang tao sa Lupa?"
"Ito ang disyerto. Walang tao sa mga disyerto. Malaki ang Lupa," sinabi ng ahas.
Naupo ang munting prinsipe sa isang bato at tumingala sa langit.
"Itinatanong ko sa aking sarili," sabi niya, "kung nagliliwanag ba ang mga bituin upang isang araw ay matagpuang muli ng bawat isa sa atin ang sa kanya. Tingnan mo ang aking planeta. Katapat lang natin ito, doon sa itaas... Pero napakalayo!"
"Maganda," sinabi ng ahas. "Ano naman ang gagawin mo dito?"
"Nahihirapan ako sa isang bulaklak," sabi ng munting prinsipe.
"Ah!" sumagot ang ahas.
At kapwa sila tumahimik.
"Nasa'n ang mga tao?" nagtanong sa wakas ang munting prinsipe. "Medyo nakapangungulila sa disyerto..."
"Nakapangungulila rin sa piling ng mga tao," sabi ng ahas.
Matagal siyang pinagmasdan ng munting prinsipe:
"Kakatuwa kang hayop," sinabi niya sa wakas, "sinlaki ka lang ng daliri..."
"Ngunit mas malakas pa 'ko kaysa daliri ng hari," sabi ng ahas.
Ngumiti ang munting prinsipe.
"Hindi ka masyadong malakas... wala kang mga paa... ni hindi ka makapaglalakbay."
"Madadala kita nang mas malayo pa kaysa isang barko," sabi ng ahas.
Pumulupot ito na parang gintong pulseras sa bukung-bukong ng munting prinsipe.
"Ibinabalik ko sa lupang pinagmulan niya ang sinumang hipuin ko," muling nagsalita ang ahas. "Pero dalisay ka at galing sa isang bituin..."
Hindi sumagot ang munting prinsipe.
"Naaawa ako sa 'yo, napakahina mo sa Lupang ito ng matigas na bato. Matutulungan kita balang araw pag labis mo nang hinahanap-hanap ang 'yong planeta. Puwede akong..."
"Oh! Naiintindihan kitang mabuti," sabi ng munting prinsipe, "pero bakit laging patalinhaga ang pagsasalita mo?"
"Nalulutas ko ang lahat ng ito," sinabi ng ahas.
At kapwa sila tumahimik.
The Little prince and the snake

XVIII18

Tinawid ng munting prinsipe ang disyerto at wala siyang nasalubong kundi isang bulaklak. Isang bulaklak na may tatlong petal, isang bulaklak na bale-wala...
"Magandang umaga," sabi ng munting prinsipe.
"Magandang umaga," sabi naman ng bulaklak.
"Nasa'n ang mga tao?" magalang na tanong ng munting prinsipe.
Minsa'y may nakitang dumaang karaban ang bulaklak:
"Mga tao? Sa palagay ko'y may anim o pito. Kung ilang taon na nang makita ko sila. Pero walang nakaaalam kung saan sila matatagpuan. Tinatangay sila ng hangin. Wala silang ugat kaya labis silang nahihirapan."
"Paalam," sabi ng munting prinsipe.
"Paalam," sabi ng bulaklak.
The flower

XIX19

Umakyat ang munting prinsipe sa isang mataas na bundok. Wala siyang ibang alam na bundok kundi ang tatlong bulkan na abot lang hanggang tuhod. At ginagamit naman niyang upuan ang patay na bulkan. "Sa isang mataas na bundok gaya nito," sinabi niya sa kanyang sarili, "makikita ko sa isang tingin ang buong planeta at ang lahat ng tao..." Ngunit wala siyang nakita kundi matutulis na taluktok ng bato.
"Magandang umaga," sinabi niya sa pagbabakasakali.
"Magandang umaga... magandang umaga... magandang umaga..." sagot ng eko.
"Sino kayo?" sinabi ng munting prinsipe.
"Sino kayo... sino kayo... sino kayo..." sagot naman ng eko.
"Maging kaibigan ko sana kayo, nag-iisa ako," sabi niya.
"Nag-iisa ako... nag-iisa ako... nag-iisa ako," sumagot ang eko.
"Kataka-takang planeta," naisip niya. "Tuyung-tuyong lahat at napakatulis at napakaalat. Kulang sa imahinasyon ang mga tao. Inuulit lamang nila ang anumang sabihin sa kanila... Sa lugar ko, meron akong isang bulaklak: lagi siya ang unang nagsasalita..."
The echo

XX20

Ngunit nangyari na pagkatapos ng mahabang paglalakbay sa buhangin, bato at isnow, nadiskubre sa wakas ng munting prinsipe ang isang daan. At papunta sa lugar ng mga tao ang lahat ng daan.
"Magandang umaga," sinabi niya.
Isang hardin ito ng mga rosas.
"Magandang umaga," sabi ng mga rosas.
Tiningnan sila ng munting prinsipe. Kahawig silang lahat ng kanyang bulaklak.
"Sino kayo?" nagtatakang tanong niya sa kanila.
"Mga rosas kami," sagot ng mga rosas.
"Ah!" sinabi ng munting prinsipe...
At lubhang bumigat ang kanyang loob. Sinabi sa kanya ng kanyang bulaklak na wala nang iba pang bulaklak na tulad niya sa buong sanlibutan. At narito ngayon ang limanlibo na katulad niyang lahat, na nasa iisang hardin lang!
"Talaga ngang maiinis s'ya," sinabi niya sa sarili, "kung makikita lamang n'ya... Uubo s'ya nang katakut-takot at magkukunwaring parang mamamatay upang hindi s'ya mapagtawanan. At kailangan ko ring magkunwaring inaalagaan s'ya dahil kung hindi'y talaga ngang pababayaan n'yang mamatay ang sarili para hiyain din ako..."
At sinabi pa rin niya sa kanyang sarili: "Akala ko'y mayaman na ako dahil sa isang bukod-tanging bulaklak pero pangkaraniwang rosas lang pala meron ako. Ito at ang tatlo kong bulkan na abot hanggang tuhod ko at siguro'y patay na ngang talaga ang isa, malayo akong maging dakilang prinsipe..." At naupo siya sa damuhan, at umiyak.
Garden of the roses

XXI21

Noon lumitaw ang alamid.
"Magandang umaga," sabi ng alamid.
"Magandang umaga," magalang na sagot ng munting prinsipe na lumingon pero walang nakita.
"Narito ako," sabi ng boses, "sa ilalim ng puno ng mansanas..."
"Sino ka?" sinabi ng munting prinsipe. "Ang ganda mo..."
"Isa akong alamid," sagot ng alamid.
"Halika, maglaro tayo," mungkahi ng munting prinsipe. "Labis akong nalulungkot..."
"Hindi ako puwedeng makipaglaro sa 'yo," sabi ng alamid. "Hindi pa 'ko napaaamo."
"Ah! pasensya ka na," sabi ng munting prinsipe.
Ngunit pagkatapos makapag-isip nang mabuti, idinagdag niya:
"Ano ang ibig sabihin n'yon - 'paamuin'?"
"Hindi ka tagarito," sabi ng alamid, "ano'ng hinahanap mo?"
The little prince lying on medow
"Hinahanap ko ang mga tao," sabi ng munting prinsipe. "Ano ang ibig sabihin n'yong 'paamuin'?"
"Ang mag tao," sabi ng alamid, "may mga baril sila at nangangaso. Sobra nga silang nakaliligalig! Nag-aalaga rin sila ng mga manok. Dito lang sila interesado. Naghahanap ka ba ng mga manok?"
"Hindi," sabi ng munting prinsipe. "Naghahanap ako ng mga kaibigan. Ano ba'ng ibig sabihin n'yong 'paamuin'?"
"Isang bagay ito na labis na nalilimutan," sabi ng alamid. "Nangangahulugan ito ng 'paglikha ng mga pagkakaugnay'."
"Paglikha ng mga pagkakaugnay?"
"'Yon nga," sabi ng alamid. "Para sa 'kin, isa ka pa lang maliit na batang lalaki na walang ipinag-iba sa sandaanlibong maliliit na batang lalaki. At hindi kita kailangan. At ikaw naman, hindi mo rin ako kailangan. Isang alamid lang ako para sa 'yo, na walang ipinag-iba sa sandaanlibong alamid. Pero pag pinaamo mo ako, kakailanganin natin ang isa't isa. Magiging bukod-tangi ka para sa akin sa buong mundo. Magiging bukod-tangi naman ako para sa 'yo sa buong mundo..."
"Unti-unti ko nang naiintindihan," sabi ng munting prinsipe. "May isang bulaklak... sa palagay ko'y napaamo n'ya ako..."
"Posible 'yon," sabi ng alamid. "Makikita sa Lupa ang lahat ng klase ng bagay..."
"Oh! hindi ito sa Lupa," sabi ng munting prinsipe.
Mukhang lubhang nagtaka ang alamid:
"Sa ibang planeta?"
"Oo."
"May mga nangangaso ba sa planetang 'yon?"
"Wala."
v
"'Yan, 'yan ang gusto ko! E, mga manok?"
"Wala."
"Walang anumang perpekto," ang buntung-hininga ng alamid.
Ngunit ipinagpatuloy ng alamid ang kanyang iniisip:
"Walang nagbabago sa aking pamumuhay. Hinahabol ko ang mga manok, hinahabol naman ako ng mga tao. Pare-pareho ang lahat ng manok, pare-pareho ang lahat ng tao. Kaya medyo nakakasawa na nga. Pero kung paamuin mo ako, parang sisikatan ng graw ang aking buhay. Makikilala ko ang mga yabag na maiiba sa lahat. Pinababalik ako sa ilalim ng lupa ng iba pang mga yabag. Tatawagin naman ako ng sa 'yo palabas sa lungga, na parang isang musika. At tingnan mo! Nakikita mo ba ro'n ang mga palayan? Hindi ako kumakain ng kanin. Walang silbi sa 'kin ang palay. Walang ipinaaalaala sa 'kin ang mga palayan. At 'yon ang nakakalungkot! Pero kulay-ginto ang buhok mo. Kaya kayganda kung paaamuin mo ako! Ipaaalaala ka sa 'kin ng mga palay na kulay-ginto. At mamahalin ko ang ihip ng hangin sa mga palay..."
Tumahimik ang alamid at matagal na pinagmasdan ang munting prinsipe:
"Sige na... paamuin mo ako!"
"Oo, gustung-gusto ko," sumagot ang munting prinsipe, "pero wala akong gaanong panahon. May mga kaibigang kailangan kong makilala at maraming bagay ang dapat kong malaman."
"Ang mga pinaamo mo lamang ang kilala mo," sinabi ng alamid. "Wala nang panahon ang mga tao para makipagkilala. Bumibili sila ng mga bagay na yari nang lahat sa mga nagtitinda. Pero dahil walang nagtitinda ng mga kaibigan, wala nang kaibigan ang mga tao. Kung gusto mo ng kaibigan, paaamuin mo ako!"
A hunter
"Ano ang dapat gawin?" sabi ng munting prinsipe.
"Kailangan mong maging napakatiyaga," sagot ng alamid. "Sa umpisa, mauupo ka na medyo malayo sa 'kin gaya n'yan, sa damuhan. Titingnan naman kita nang palihim at wala kang sasabihin. Bukal ng mga di-pagkakaunawaan ang mga salita. Pero makauupo ka nang medyo mas malapit araw-araw..."
Bumalik ang munting prinsipe nang sumunod na araw.
"Mas makabubuting bumalik sa dating oras," sabi ng alamid. "Kung alas kuwatro ng hapon, halimbawa, ang dating mo, alas tres pa lamang e magsisimula na akong maging masaya. At habang palapit nang palapit ang oras na 'yon, lalo naman akong nagiging masaya. Pag alas kuwatro na, mababagabag na ako't mababalisa: malalaman ko ang katumbas na kabayaran ng kagalakan! Pero kung basta ka na lang darating kahit anong oras, hinding-hindi ko malalaman kung anong oras ko ihahanda ang puso... Kailangan ang mga rituwal."
"Ano ang rituwal?" tanong ng munting prinsipe.
"Isang bagay rin ito na masyado nang nalilimutan" sabi ng alamid. "Ito ang nagpapaging-iba sa isang araw sa iba pang mga araw, sa isang oras sa iba pang mga oras. May isang rituwal, halimbawa, ang mga mangangasong humahabol sa 'kin. Nakikipagsayawan sila pag Huwebes sa mga babae sa nayon. Kaya napakagandang araw ang Huwebes! Nakapamamasyal ako hanggang sa ubasan. Kung basta na lamang magsasayawan kahit kailan ang mga mangangaso, magkakapare-pareho lang lahat ang mga araw, at hindi ako magkakaroon ng bakasyon."
Kaya pinaamo ng munting prinsipe ang alamid. At nang malapit na ang oras ng kanyang pag-alis:
"Ah!" sabi ng alamid... "Iiyak ako."
"Kasalanan mo 'to," sabi ng munting prinsipe. "Hindi ko ginustong sumama ang loob mo pero gusto mong paamuin kita..."
"Oo nga," sabi ng alamid.
"Pero iiyak ka!" sabi ng munting prinsipe.
"Oo nga," sabi ng alamid.
"Kaya wala kang nápalâ!"
"Meron," sabi ng alamid, "dahil sa kulay ng palay."
Pagkatapos ay idinagdag niya:
"Balikan mo at tingnang muli ang mga rosas. Maiintindihan mo ngayon na bukod-tangi sa buong mundo ang sa 'yo. Saka ka magbalik dito para magpaalam sa 'kin at may lihim akong ireregalo sa 'yo."
Umalis ang munting prinsipe para tingnan uli ang mga rosas.
"Malayung-malayo kayo sa rosas ko, bale-wala kayo," sinabi niya sa kanila. "Walang nagpaamo sa inyo at wala kayong napaamong sinuman. Katulad kayo ng aking alamid noon. Isang alamid lang s'ya noon, gaya ng sandaanlibo pang iba. Pero naging kaibigan ko s'ya, at ngayo'y bukod-tangi siya sa buong mundo."
At hiyang-hiya naman ang mga rosas.
"Maganda kayo pero walang saysay," sinabi pa niya sa kanila. "Walang sinumang handang mamatay para sa inyo. Aakalain s'yempre ng isang nagdaraan lamang na katulad n'yo ang aking rosas. Pero s'ya lamang ay mas mahalaga na sa inyong lahat pagkat s'ya ang dinilig ko. Sapagkat s'ya ang tinakpan ko ng garapon. Sapagkat s'ya ang ikinanlong ko sa pantabing. Sapagkat ang mga higad na nasa kanya ang pinatay ko (maliban sa dalawa o tatlo para maging paru-paro). Sapagkat s'ya ang pinakinggan ko na nagrereklamo o nagyayabang o kahit na nananahimik s'ya pag minsan. Sapagkat aking rosas ito."
At bumalik siya sa alamid.
"Paalam," sabi niya...
"Paalam," sabi ng alamid. "Narito ang lihim ko. Napakasimple nito: sa pamamagitan lamang ng puso makakakitang mabuti. Hindi kita ng mata ang pinakapuso ng mga bagay."
"Hindi kita ng mata ang pinakapuso ng mga bagay," inulit ng munting prinsipe para matandaan.
"Ang panahong inaksaya mo sa 'yong rosas ang nagpapaging-napakaimportante sa rosas mo."
"Ang panahong inaksaya ko sa 'king rosas..." sabi ng munting prinsipe para matandaan.
"Nakalimutan na ng mga tao ang katotohanang ito," sabi ng alamid. "Pero hindi mo ito dapat malimutan. Pananagutan mo habampanahon ang 'yong napaamo. Pananagutan mo ang rosas mo..."
"Pananagutan ko ang rosas ko..." inulit ng munting prinsipe para matandaan.
The Little prince

XXII22

"Magandang umaga," sabi ng munting prinsipe.
"Magandang umaga," sagot ng tagapaglihis ng riles ng tren.
"Ano'ng ginagawa mo dito?" tanong ng munting prinsipe.
"Pinagbubukud-bukod ko ang mga pasahero, sanlibo isang grupo," sabi ng tagapaglihis ng riles ng tren. "Ako ang nagpapalihis sa mga tren, kung minsa'y sa kanan, kung minsan nama'y sa kaliwa."
At isang nagliliwanag na ekspres na tren na dumadagundong na parang kulog ang yumanig sa kuwarto ng tagapaglihis ng riles.
"Nagmamadali sila," sabi ng munting prinsipe. "Ano'ng hinahanap nila?"
"Hindi 'yan alam kahit na ng drayber mismo ng tren," sabi ng tagapaglihis ng riles.
At dumagundong naman mula sa kabilang direksyon ang ikalawang ekspres na tren na nagliliwanag.
"Pabalik na ba sila?" tanong ng munting prinsipe...
"Hindi sila ang dati," sinabi ng tagapaglihis ng riles. "Palit na ito."
"Hindi ba sila kuntento sa kanilang kinaroroonan?"
"Hinding-hindi makukuntento ang sinuman sa kanyang kinaroroonan," sabi ng tagapaglihis ng riles.
At dumagundong na parang kulog ang ikatlong ekspres na tren na nagliliwanag.
"Hinahabol ba nila ang mga unang biyahero?" tanong ng munting prinsipe.
"Wala naman talaga silang hinahabol," sabi ng tagapaglihis ng riles. "Natutulog sila sa loob ng tren o naghihikab kaya. Ang mga bata lamang ang nagdidiin ng kanilang ilong sa mga salamin ng bintana."
"Ang mga bata lamang ang nakaaalam ng kanilang hinahanap," sabi ng munting prinsipe. "Nag-aaksaya sila ng panahon sa isang manikang yari sa retaso at nagiging napakaimportante nito sa kanila. At umiiyak sila kapag may umagaw ito sa kanila."
"Masuwerte sila," sabi ng tagapaglihis ng riles.

XXIII23

"Magandang umaga," sabi ng munting prinsipe.
"Magandang umaga," sabi ng nagtitinda.
Siya ang nagtitinda ng napakagaling na mga pildoras na pamatid-uhaw. Kailangan lang lumunok ng isa linggu-linggo, at hindi na makakadama pa ng pangangailangang uminom.
"Bakit mo itinitinda 'yan?" sabi ng munting prinsipe.
"Malaking pagtitipid ito sa panahon," sabi ng nagtitinda. "Ayon sa ginawang pagbilang ng mga espesyalista, limampu't tatlong minuto linggu-linggo ang matitipid."
"At sa ano naman magagamit ang limampu't tatlong mintong 'yon?"
"Magagamit 'yon sa anumang magustuhan..."
"Ako," sabi ng munting prinsipe, "kung may limampu't tatlong minuto akong magagamit ayon sa gusto ko, dahan-dahan akong maglalakad papunta sa isang bukal..."
The Little prince

XXIV24

Ikawalong araw na mula nang masiraan ako ng makina sa disyerto. At pinakikinggan ko ang istorya tungkol sa nagtitinda habang iniinom ko naman ang pinakahuling patak ng dala kong tubig.
"Ah!" sinabi ko sa munting prinsipe, "ang ganda talaga ng 'yong mga alaala. Pero hindi ko pa rin nakukumpuni ang aking eroplano, wala na akong inumin. At magagalak din ako kung ako mismo e dahan-dahang makapaglalakad papunta sa isang bukal!"
"Ang aking kaibigang alamid," sabi niya sa akin...
"Munti kong tao, wala nang pakialam dito ang alamid!"
"Bakit?"
"Dahil may malapit nang mamatay sa uhaw..."
Hindi niya naintindihan ang takbo ng aking isip, at sumagot siya:
"Mabuting magkaroon ng isang kaibigan kahit na malapit nang mamatay. Ako, kuntento na ako sa pagkakaroon ng isang kaibigang alamid..."
"Wala s'yang ideya kung gaano katindi ang panganib," sinabi ko sa aking sarili. "Hindi siya kailanman nagutom ni nauhaw. Sapat na sa kanya ang kaunting sikat ng araw..."
Ngunit tiningnan niya ako at sinagot niya ang aking iniisip:
"Nauuhaw din ako... maghanap tayo ng isang balon..."
Ipinakita kong pagod na ako: ano ang silbi ng paghahanap sa pagbabaka-sakaling makakita ng isang balon sa napakalawak na disyerto? Ngunit nagsimula pa rin kaming maglakad.
Pagkatapos ng ilang oras ng tahimik naming paglakad, kumalat ang dilim ng gabi at sumikat ang mga bituin. May kaunti akong lagnat dahil sa uhaw kaya parang panaginip nang makita ko ang mga ito. Sumasayaw sa aking alaala ang mga kataga ng munting prinsipe.
"Nauuhaw ka na rin, ano?" ang tanong ko sa kanya.
Ngunit hindi niya sinagot ang tanong ko. Sinabi lang niya sa akin:
Mabuti rin siguro para sa puso ang tubig..."
Hindi ko naintindihan ang kanyang sagot pero hindi ako umimik... Alam ko na hinding-hindi makapagtatanong sa kanya.
Pagod na siya. Naupo siya. Naupo naman ako sa tabi niya. At pagkatapos ng ilang sandaling katahimikan ay sinabi niya:
"Maganda ang mga bituin, dahil sa isang bulaklak na di nakikita..."
Sumagot ako, "Oo nga," at walang imik kong tiningnan ang mga pileges ng buhangin sa liwanag ng buwan.
"Maganda ang disyerto," idinagdag niya.
Totoo 'yon. Napamahal nang lagi sa akin ang disyerto. Makauupo sa isang burol ng buhangin. Walang anumang makikita. Walang anumang maririnig. Ngunit may kung anong nagniningning pa rin sa katahimikan...
"Maganda ang disyerto," sinabi ng munting prinsipe, "dahil may itinatago itong isang balon kung saan..."
Nagulat ako sa biglang pagkaunawa sa mahiwagang ningning na 'yon ng buhangin. Noong maliit pa ako, nakatira ako sa isang lumang bahay at ayon sa mga kuwento e may kayamanan daw na nakabaon doon. Walang sinuman s'yempre ang nakakita rito, o maaari rin namang walang naghanap dito. Ngunit naging mahiwaga ang buong bahay na 'yon dahil dito. May itinatagong lihim ang tahanan ko sa kaibuturan ng puso nito...
"Oo," sabi ko sa munting prinsipe, "tungkol sa bahay, mga bituin, o disyerto - hindi kita ng mata ang nagpapaganda sa mga ito!"
"Nasisiyahan ako," sabi niya, "dahil sang-ayon ka sa aking alamid."
Nakatulog ang munting prinsipe kaya kinalong ko siya at nagpatuloy ako sa paglakad. Nahahabag ako sa kanya. Pakiramdam ko'y may dala akong isang babasaging kayamanan. Pakiramdam ko ri'y wala nang mas babasagin pa sa Lupa. Tiningnan ko sa liwanag ng buwan ang maputlang noong 'yon, ang nakapakit na mga matang 'yon, ang mga bungkos na 'yon ng buhok ng gumagalaw-galaw sa hangin, at sinabi ko sa aking sarili "Balat lamang ang nakikita ko. Hindi kita ng mata ang pinakamahalaga."
Nagsimulang ngumiti ang kanyang mga labi na bahagyang nakabukas, at sinabi ko sa aking sarili: "Lubos na napapalapit ang loob ko sa natutulog na munting prinsipeng ito dahil sa katapatan n'ya sa isang bulaklak - ang larawan ng isang rosas na nagniningning sa kanyang kalooban na parang ningas ng isang ilawan, kahit na tulog s'ya..." At nadama kong mas mahina pa nga siyang lalo. Kailangang ingatan ang mga ilawan: maaaring mamatay ang sindi ng mga ito sa isang ihip lamang ng hangin...
At sa paglakad na 'yon, natagpuan ko ang balon, sa pagbubukanliwayway.

XXV25

Sumasakay ang mga tao sa mga ekspres na tren," sabi ng munting prinsipe, "pero hindi nila alam kung ano ang kanilang hinahanap. Kaya nagkakagulo sila at nagpapaikut-ikot..."
At idinagdag niya:
"Bale-wala ito..."
Hindi katulad ng mga balon sa disyerto ng Sahara ang balon na natagpuan namin. Basta lamang hinukay na mga butas sa buhangin ang mga balon sa Sahara. Katulad naman ang balong ito ng isang balon sa baryo.
Pero walang anumang baryo dito at akala ko'y nananaginip ako.
"Kataka-taka 'to," sinabi ko sa munting prinsipe, "handa na ang lahat: ang kalo, ang timba, ang lubid..."
Tumawa siya, hinawakan ang lubid at priagalaw ang kalo. At lumangitngit ang kalo tulad ng paglangitngit ng isang lumang instrumentong panturo sa direksyon ng hangin kapag matagal na di umiihip ang hangin.
"Naririnig mo," sinabi ng munting prinsipe, "ginigising natin ang balong ito, at kumakanta s'ya..."
The Little prince
Ayaw ko siyang magpakahirap.
"Ako na," sinabi ko sa kanya, "napakabigat nito para sa 'yo."
Dahan-dahan kong hinila pataas ang timba, at ipinatong ko itong mabuti sa gilid ng balon. Nasa mga tainga ko pa ang awit ng kalo, at sa tubig na gumalaw-galaw pa ay nakita ko namang pinagagalaw nito ang araw.
"Nauuhaw ako sa tubig na ito," sabi ng munting prinsipe. "Bigyan mo 'ko ng maiinom..."
At naintindihan ko kung ano ang kanyang hinahanap!
Binuhat ko ang timba hanggang sa kanyang mga labi. Pikit-mata siyang uminom. Sintamis ito ng isang piyesta. Hindi nga lamang inumin ang tubig na ito. Bunga ito ng paglakad sa ilalim ng mga bituin, ng awit ng kalo, ng hirap ng aking mga bisig. Nakabuti ito sa puso, gaya ng isang regalo. Noong maliit pa ako, ang ilaw ng krismas tri, ang mga tugtugin sa misa sa hatinggabi, ang tamis ng mga ngiti - ang mga ito ang lubos na nagbibigay-ningning sa mga pamaskong regalong tinatanggap ko.
"Nag-aalaga ng limanlibong rosas sa iisang hardin lamang ang mga tao sa inyo..." sabi ng munting prinsipe, "at hindi naman nila matagpuan ang kanilang hinahanap..."
"Hindi nila matagpuan," sumagot ako...
"Pero puwedeng matagpuan sa iisang rosas lamang o sa kaunting tubig ang kanilang hinahanap..."
"Totoo nga," sumagot ako.
At idinagdag ng munting prinsipe:
"Pero bulag ang mga mata. Sa pamamagitan ng puso kailangang maghanap."
Uminom na ako. Nakahinga ako nang magaan. Kulay ng pulut-pukyutan ang buhangin sa pagbubukanliwayway. Masaya ako dahil sa kulay na ito ng pulut-pukyutan. Pero bakit mabigat pa rin ang loob ko...
"Dapat kang tumupad sa 'yong pangako," marahang sabi sa akin ng munting prinsipe na muling naupo sa tabi ko.
"Anong pangako?"
"Alam mo na... isang busal para sa 'king tupa... pananagutan ko ang bulaklak na 'yon!"
Kinuha ko sa aking bulsa ang mga sinubukan kong idrowing. Nakita ng munting prinsipe ang mga 'yon at tumatawang sinabi niya:
"Medyo parang mga repolyo naman ang mga baobab mo..."
"Oh!"
Ipinagmamalaki ko pa naman ang mga baobab!
"Ang alamid mo... ang kanyang mga tainga... medyo parang mga sungay at ang hahaba pa!"
At tumawa pa rin siya.
"Ang 'lupit' mo naman, munti kong tao, wala akong alam idrowing kundi mga sawang nakasara at mga sawang nakabukas."
"Oh! ayos na 'yan," sinabi niya. "Nakakaintindi ang mga bata."
Kaya nagdrowing ako ng isang busal. At sumikip ang puso ko nang ibinigay ko iyon sa kanya.
"May mga balak ka na hindi ko alam..."
Ngunit hindi siya sumagot. Sinabi niya:
"Alam mo, ang pagbaba ko sa Lupa... bukas ang anibersaryo..."
Pagkatapos ng ilang sandali ng katahimikan, sinabi pa niya:
"Napakalapit dito ng binabaan ko..."
At namula siya.
At muli akong nakadama ng kakaibang pagkabagabag, hindi ko maintindihan kung bakit. Ngunit may tanong na nabuo sa aking isipan:
"Kaya hindi nagkataon lamang na naglalakad kang tulad nito, nag-iisa, na libong kilometro ang layo mula sa lahat ng lugar na tirahan ng mga tao, nang umagang makilala kita, may walong araw na ang nakalilipas. Pabalik ka ba sa lugar na binabaan mo?"
Muling namula ang munting prinsipe.
At idinagdag ko na medyo nagdadalawang-isip:
"Dahil kaya sa anibersaryo?..."
Muli na namang namula ang munting prinsipe. Hinding-hindi niya sinasagot ang mga tanong pero kapag namumula ang sinuman, "oo" ang ibig sabihin n'yon, di ba?
"Ah!" sinabi ko sa kanya, "May pangamba akong..."
Ngunit sumagot siya:
"Dapat kang magtrabaho ngayon. Dapat mong balikan ang 'yong makina. Hihintayin naman kita dito. Bumalik ka bukas ng hapon..."
Ngunit hindi ako mapalagay. Naalala ko ang alamid. May panganib na medyo lumuha ang sinuman kung hahayaan niyang paamuin siya...

XXVI26

Nasa may tabi ng balon ang guho ng isang lumang pader na bato. Kinahapunan ng sumunod na araw, pagkagaling ko sa aking gawain, nakita ko mula sa malayo ang aking munting prinsipe na nakaupo sa ibabaw ng pader, na nakalawit ang mga paa. At narinig ko siyang nagsalita:
"Hindi mo ba natatandaan?" sabi niya. "Hindi dito ang eksaktong lugar!"
May boses sigurong sumagot sa kanya dahil sumagot siya:
"Oo! Oo! Ito nga ang araw pero hindi ito ang lugar..."
Patuloy akong naglakad palapit sa pader. Wala akong nakitang sinuman o narinig. Ngunit muli na namang sumagot ang munting prinsipe:
"... Oo nga. Makikita mo kung saan nagsisimula ang aking bakas sa buhangin. Wala kang ibang gagawin kundi hintayin ako roon. Naroon ako mamayang gabi."
Dalawang metro ang layo ko sa pader at wala pa rin akong nakitang sinuman.
Sandaling tumahimik ang munting prinsipe at saka niya sinabi:
"Mabuti ba ang kamandag mo? Sigurado mo bang hindi ako nito papaghihirapin nang matagal?"
Himinto ako, nagsikip ang aking puso ngunit hindi ko pa rin naunawaan.
"Ngayon, umalis ka na," sinabi niya... "Gusto kong bumaba!"
Napatingin ako sa ibaba ng pader at bigla akong umigtad! Naroon siya - nakatayo sa harap ng munting prinsipe ang isang ahas na dilaw na kayang pumatay sa loob ng tatlumpung segundo. Tumakbo ako, kinapkap ko ang baril sa aking bulsa. Ngunit sa ingay na nagawa ko, marahang lumubog ang ahas sa buhangin gaya ng nanghihinang tilamsik ng tubig. At nakalusot siya sa gitna ng mga bato nang walang anumang pagmamadali, nang may mahinang ingay ng metal.
Tamang-tama naman ang pagdating ko sa may pader para sambutin sa aking mga bisig ang munti kong prinsipe na namumutlang gaya ng isnow.
"Ano namang pangyayari ito! Nakikipag-usap ka naman ngayon sa mga ahas!"
Niluwagan ko ang iskarp na kulay-ginto na lagi niyang suot. Binasâ ko ang mga sentido niya at pinainom. At ngayon, wala na akong lakas ng loob pang magtanong sa kanya. Tinitigan niya ako at niyakap ng kanyang mga braso ang aking leeg. Naramdaman kong tumitibok ang kanyang puso tulad ng puso ng isang nabaril na ibon na naghihingalo. Sinabi niya sa akin:
"Masaya ako at nakita mo na kung ano ang kailangan sa 'yong makina. Makauuwi ka na..."
"Paano mo nalaman?"
Balak ko pa lamang sabihin sa kanya na nagtagumpay ako sa aking gawain na salungat sa lahat kong inaasahan!
Hindi niya sinagot ang tanong ko ngunit idinagdag niya:
"Ako man, uuwi rin ako ngayon..."
At mabigat ang loob:
"Talaga ngang mas malayo... mas mahirap nga itong talaga..."
Naliwanagan ko na may nangyayaring kung anong di-pangkaraniwan. Niyakap ko siya na parang isang maliit na bata ngunit pakiramdam ko'y para siyang lumulubog pabulusok sa kalaliman at wala akong anumang magagawa para pigilan siya...
Mabigat ang kanyang tingin na parang naligaw sa napakalayo.
The wall
"Meron akong tupa mo. At meron akong kahon para sa tupa at meron ding busal..."
At ngumiti siya na mabigat ang loob.
Matagal pa akong naghintay. Naramdaman kong unti-unti na siyang umiinit.
"Mabait na munting tao, natakot ka..."
Natakot siya s'yempre! Ngunit malumanay siyang tumawa:
"Mas matatakot pa ako ngayong gabi..."
Muli akong pinapanlamig sa pagkadama ng kung anong di malulunasan. At alam ko na hindi ko magagawang isipin na hinding-hindi ko na maririnig pa ang tawang 'yon. Para sa aki'y tulad 'yon ng isang bukal sa disyerto.
"Mabait kong munting tao, gusto kong marinig pa ang tawa mo..."
Ngunit sinabi niya sa akin:
"Ngayong gabi, may isang taon na. Tatapat ang aking bituin sa mismong lugar na binabaan ko noong isang taon..."
"Mabait kong munting tao, masamang panaginip lamang ba ang pangyayaring may kinalaman sa ahas at sa tagpuan at sa bituin..."
Ngunit hindi niya sinagot ang aking tanong. Sinabi niya sa akin:
"Ang s'yang mahalaga ang s'yang di nakikita..."
"Oo nga..."
"Gaya ito ng tungkol sa bulaklak. Kung mahal mo ang isang bulaklak na nasa isang bituin, masarap sa gabi ang tumingin sa langit. Namumulaklak ang lahat ng bituin."
"Oo nga..."
"Gaya ito ng tungkol sa tubig. Parang musika ang ipinainom mo sa akin dahil sa kalo at sa lubid... naaalaala mo... masarap ito."
"Oo nga..."
"Titingnan mo ang mga bituin sa gabi. Napakaliit ng lugar ko para maituro ko sa 'yo kung saan makikita ang sa akin. Mas mabuti na 'yon. Para sa 'yo'y magiging isa sa mga bituin ang akong bituin. Kaya magugustuhan mong tingnan ang lahat ng bituin... Magiging kaibigan mo silang lahat. At ngayon naman, bibigyan kita ng isang regalo..."
The Little prince
At muli siyang tumawa.
"Magiging parang maraming maliliit na kampana na marunong tumawa ang ibinigay ko sa 'yo, sa halip na mga bituin..."
At muli siyang tumawa. Pagkatapos ay muli siyang naging seryoso:
"Ngayong gabi... alam mo... huwag kang pupunta."
"Hindi kita iiwan."
"Magmumukha akong parang masama ang pakiramdam... magmumukha akong parang mamamatay. Gano'n 'yon. Huwag kang pupunta para makita 'yon, bale-wala ito."
"Hindi kita iiwan."
Ngunit balisa siya.
"Sinasabi ko 'to sa 'yo... dahil na rin sa ahas. Hindi ka n'ya dapat tuklawin... Masama ang mga ahas. Maaaring manuklaw ito dahil lamang sa kasiyahan..."
"Hindi kita iiwan."
Ngunit may bagay na muling nagpalakas ng kanyang loob:
"Tiyak na wala silang kamandag para sa ikalawang pagtuklaw..."
Nang gabing 'yon, hindi ko siya nakitang umalis. Tahimik siyang nakakawala sa akin. Nang abutan ko siya, buo ang loob niya sa paglakad, mabilis ang hakbang niya. Sinabi lamang niya sa akin:
"Ah! dito ka na..."
At hinawakan niya ako sa kamay. Ngunit balisa pa rin siya."
"Mali ka. Magdadalamhati ka. Magmumukha akong parang patay, at hindi naman totoo 'yon..."
Hindi ako umimik.
"Naiintindihan mo. Napakalayo nito. Hindi ko madadala ang katawang ito. Napakabigat nito."
Hindi ako umimik.
"Pero gaya lang ito ng isang lumang balat ng kahoy na iniwan. Hindi nakalulungkot ang mga lumang balat ng kahoy..."
Hindi ako umimik.
The Little prince with his star
Medyo pinanghinaan siya ng loob. Ngunit sinikap niyang muli:
"Magiging kasiya-siya ito, alam mo. Titingin din ako sa mga bituin. Magiging mga balon na may kalawanging kalo ang lahat ng bituin. Magbubuhos ng inumin sa 'kin ang lahat ng bituin..."
Hindi ako umimik.
"Magiging talagang nakalilibang 'yon! Magkakaroon ka ng limandaang milyong maliliit na kampana, at magkaroon naman ako ng limandaang milyong bukal..."
At hindi na rin siya umimik, dahil umiiyak siya...
"Dito na. Pabayaan mo na akong humakbang pa na mag-isa."
At naupo siya dahil natatakot siya.
Sinabi pa niya:
"Alam mo... ang aking bulaklak... pananagutan ko s'ya! At napakahina niya! At wala s'yang kaalam-alam. May apat s'yang tinik na wala namang silbi para ipagtanggol s'ya laban sa sanlibutan..."
Naupo ako sapagkat hindi ko na kayang tumayo. Sinabi niya:
"Paano... hanggang dito na lang..."
Medyo nag-alinlangan pa siya, at saka siya tumayo. Humakbang siya nang isa. Hindi ako makakilos.
Walang anumang naroon liban sa madilaw na kislap, malapit sa kanyang sakong. Sandali siyang nanatiling walang kibo. Hindi siya sumigaw. Nabuwal siyang dahan-dahan gaya ng pagtumba ng isang puno. Wala ring ingay dahil sa buhangin.
Death

XXVII27

At ngayon, s'yempre, anim na taon na ang nakalilipas... Hinding-hindi ko pa naisasalaysay ang istoryang ito. Masaya ang aking mga kasamahan nang muli nila akong makitang buhay pa. Malungkot ako ngunit sinabi ko sa kanila: "Pagod lang ito..."
Ngayon medyo magaan na ang loob ko. Sa totoo lang... hindi pa talaga. Pero alam kong bumalik nga siya sa kanyang planeta dahil sa pagbubukanliwayway, hindi ko natagpuan ang kanyang katawan. Hindi naman talagang mabigat ang katawang 'yon... At sa gabi'y gusto kong makinig sa mga bituin. Parang limandaang milyong maliliit na kampana...
Ngunit may isa pang di-pangkarandiwang bagay. Nalimutan kong dagdagan ng katad na panali ang busal na iginuhit ko para sa munting prinsipe! Hinding-hindi niya ito maitatali sa tupa. Kaya itinatanong ko sa aking sarili:
"Ano na kaya ang nangyari sa kanyang planeta? Baka kinain na ng tupa ang bulaklak..."
Kung minsan nama'y sinasabi ko sa aking sarili: "Siguradong hindi! Gabi-gabi'y tinatakluban ng munting prinsipe ang kanyang bulaklak sa garapon nitong yari sa bubog, at binabantayan naman niyang mabuti ang kanyang tupa..."
Kaya masaya na ako. At magiliw namang tumatawa ang lahat ng bituin.
Sinasabi ko naman kung minsan sa aking sarili: "May mga pagkakataong nakakalingat ang isa, at 'yon ay sapat na! Nalimutan niya, isang gabi, ang garapong salamin, o kaya'y nakalabas nang walang ingay ang tupa sa gabi..." Kaya magiging luha naman ang lahat ng maliliit na kampana!...
Narito ngayon ang isang malaking hiwaga. Para sa inyo na nagmamahal din sa munting prinsipe, at gayon din para sa akin, walang sa isang lugar na walang may alam kung saan ay kinain o hindi ng isang tupang hindi natin alam ang isang rosas...
Tingnan n'yo ang langit. Tanungin n'yo ang inyong sarili: Kinain nga kaya ng tupa o hindi ang bulaklak? At makikita n'yo kung paanong nagbabago ang lahat...
At di kailanman maiintindihan ng sinumang matanda na napakahalaga nito!
The loveliest and saddest landscape in the world

Ito para sa akin ang pinakamaganda at pinakamalungkot na tanawin sa buong mundo. Katulad ito ng nasa naunang pahina ngunit iginuhit ko itong muli para maipakita itong mabuti sa inyo. Sa lugar na ito lumitaw ang munting prinsipe sa lupa, at saka pumanaw. Tingnan n'yong mabuti ang tanawing ito para matiyak na makikilala n'yo ito kung maglalakbay kayo balang araw sa disyerto ng Afrika. At kung mapagawi naman kayo dito, pakiusap ko sana sa inyo na huwag kayong magmadali, maghintay kayo nang kaunti sa mismong tapat ng mga bituin! Kung may batang lumapit sa inyo, kung tumatawa siya, kung may buhok siyang kulay-ginto o kung hindi siya sumasagot kapag tinanong siya, malalaman n'yo kung sino siya. Kaya maging mabait sana kayo! Huwag n'yo akong pabayaan sa labis na kalungkutan: agad n'yong isulat sa akin na bumalik siya...

No comments: